Advertisers
MAHIGIT 2,100 siklista sa iba’t ibang panig ng bansa ang sumali sa “14-Alan Peter Cayetano Bike Caravan” nitong Lunes bilang pagpapakita ng suporta kay dating House Speaker Alan Peter Cayetano na kandidatong Senador sa darating na halalan.
Umabot sa 87 samahan ng mga siklista ang lumahok sa magkakasabay na bike caravan sa 14 lungsod at bayan sa buong bansa, kabilang ang mga lungsod ng Maynila at Marikina sa Metro Manila, at sa Vigan, Baguio, Urdaneta, at Legazpi sa ibang bahagi ng Luzon.
Naglunsad din ng mga bike caravan ang mga taga-suporta ni Cayetano sa mga lungsod ng Cebu, Bacolod, at Ormoc sa Kabisayaan, at General Santos, Cagayan de Oro, at Zamboanga sa Mindanao.
Nagkaroon din ng mga bike caravan sa mga probinsya ng Camarines Sur at Iloilo.
Karamihan sa mga lugar na ito ay naging benepisyaryo ng programang ‘Sampung Libong Pag-asa at Sari-Saring Pag-asa’ ni Cayetano. Libo-libong pamilya at maliliit na negosyante ang nakinabang sa dalawang programang ito noong kasagsagan ng pandemya.
Sa katunayan, nagpakita ng suporta ang mga sari-sari store na natulungan ng dating House Speaker nitong nakaraang taon sa pamamagitan ng pagpapaskil ng mga poster ng dalawang programa sa harap ng kanilang mga tindahan.
Ayon kay Albay Board Member at Association of Barangay Councils (ABC) Albay Chapter President Joseph Philip “JP” Lee, karapat-dapat suportahan ang naganap na mga bike caravan at ang adbokasiya ni Cayetano para sa eco-friendly na pangangampanya ngayong halalan.
“Ito pong eco-friendly campaign ni Senator Alan Peter Cayetano sana maging example ito sa lahat ng politicians especially po sa national scene na kaya pala natin gawin ang eco-friendly campaign bilang makatulong po tayo sa environment,” ani Lee.
Pinuri rin ni Barotac Nuevo Municipal Councilor Simon Fernando ang bike caravan at nagpaabot siya ng pasasalamat sa mga volunteer ni Cayetano para sa matagumpay na caravan.
“Sana ipagpatuloy ang ganitong mga bike caravan dahil ito po ay totoong eco-friendly at nakakatulong sa ating kalikasan,” wika ni Fernando.
Nagpahayag naman ng suporta si Baguio City District Rep. Mark Go sa inisyatiba ng mga taga-suporta ni Cayetano sa kaniyang lungsod. “Kaya tayo nandito ngayon ay hindi lamang ipahayag ang ating tiwala sa kanya kundi ang ating pagmamahal not only to him but also sa ating bayan.”
May ilang social media influencer na mahilig sa sports ang lumahok din sa pambansang caravan. Inanyayahan nina Coycoy Caspe, Donald Labanon, Jekky Mendiola at Mikko Mahinay ang mga kapwa nila siklista na sumama sa caravan upang suportahan ang dating Speaker Cayetano.
Bilang kauna-unahang kandidatong magsasagawa ng ganitong uri ng pangangampanya, sinabi ni Cayetano na hindi siya magsasagawa ng mga motorcade dahil maaksaya ito sa gasolina at nakadadagdag pa sa polusyon.
Noong February 28, isinagawa ng cycling groups ang kauna-unahang bike caravan sa Pampanga at Laguna bilang pagsuporta kay Cayetano.
Hinikayat din ng dating House Speaker ang kanyang mga tagasuporta na magtanim ng mga puno at mangrove, magtayo ng urban farms, at gamitin ang social media bilang mga alternatibo sa tradisyunal na pangangampanya.
Ayon kay Cayetano, kasalukuyang nangunguna sa ilang survey, nais niyang isulong ang isang “faith-based at values-oriented na pamumuno” sa Senado.