Advertisers
APRUBADO na sa komite ng Kamara ang panukalang mag-aamyenda ng Oil Deregulation Law.
Subject to style and amendments ay pinagtibay ng House Committee on Energy ang HB 10505.
Mula ito sa anim na panukala na nanawagang amyendahan ang oil deregulation law at hiwalay na house bill para sa unbundling ng presyo ng oil products.
Inirekomenda naman ni Marikina Rep. Stella Quimbo na maging bahagi ng amyenda sa Oil Deregulation Law na ibase ang price monitoring ng DOE sa unbundled retail price ng petroleum products.
Ito ay para maiwasang isama ng mga oil companies sa price increase ang mga produkto na nabili na sa mas murang halaga.
Kasabay nito ay inaprubahan din ang mosyon ni House Deputy Minority Leader Carlos Zarate para irekomenda ng komite sa Pangulong Duterte ang pagdaraos ng special session.
Ito ay para aniya agad na maipasa ang inaprubahang substitute bill gayundin ang panukalang suspensyon sa fuel excise tax na nakabinbin sa 2nd reading sa plenaryo.
Pagtitiyak naman ni Rep. Mikey Arroyo, chair ng komite na personal na rin siyang umapela sa Pangulong Duterte at maging kay House Speaker Lord Allan Velasco para sa pagpapatawag ng special session. (Henry Padilla)