Advertisers
INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go na gumagawa ng karagdagang mga hakbang si Pangulong Rodrigo Duterte upang matiyak na ang darating na pambansa at lokal na halalan sa Mayo ay magiging mapayapa, kapani-paniwala at sumasalamin sa kagustuhan ng mamamayang Pilipino.
Sa kanyang pagsasalita matapos magsagawa ng monitoring visit sa Malasakit Center sa loob ng Southern Philippines Medical Center sa Davao City, sinabi ni Go na dati nang inatasan ng Pangulo ang lahat ng military at civil authority na tumulong sa Commission on Elections.
Kamakailan lamang, hinimok din sila ng Pangulo na gawin ang mga kinakailangang pag-iingat upang maiwasan ang karahasan na may kaugnayan sa halalan.
“I can’t speak in behalf of the President pero … wala namang kandidato sa amin. Sabi niya sisikapin niya na maging malinis at credible ang eleksyon na ito. Inatasan na niya ang militar at pulis during his previous meetings na dapat maging credible ang eleksyon na ito at malinis,” sabi ni Go matapos ang ceremonial turnover ng financial assistance na P450 million sa ospital.
“Sabi naman ni Pangulo (nu’ng Biyernes na) hindi naman niya ma-aassure … pero sisikapin niya na walang magiging takutan, panghahasik sa mga kandidato. Dapat patas po ang lahat,” dagdag niya.
Sa isang hiwalay na panayam noong Marso 12, ibinunyag ni Pangulong Duterte na ang intelligence community ay nakakuha ng impormasyon ng insurgency at iba pang grupo na umano’y nagtutulungan para guluhin ang halalan. Nanindigan siya na hindi niya kukunsintihin ang anumang uri ng karahasan at hindi maayos na pag-uugali.
Binigyang-diin ni Go ang responsibilidad na ibinabahagi ng lahat ng kandidato sa pulitika na sumunod sa mga legal na mekanismo.
Hinimok sila ni Go na muling pagtibayin ang kanilang pangako sa isang mapayapang kampanya at magpadala ng malinaw na mensahe sa kanilang mga tagasuporta na tanggihan ang anumang gawain ng mga iligal na aktibidad lalo na ang karahasan at pandaraya.
Nanawagan din ang senador sa mga Pilipino na gamitin ang kanilang demokratikong karapatan sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa halalan.
Tiniyak niya na mananatiling mapagbantay ang Senado laban sa anumang pakana at nangakong gagawin ang kanyang bahagi sa pagtiyak na malinis at kapani-paniwala ang eleksyon.
“Kami naman sa Senado ay magiging miyembro, magko-conduct ng official canvassing ng presidential at vice presidential election results. Sisiguraduhin namin na magiging maayos ang lahat. Bilang isang senador, magtatrabaho kami. Ang importante dito ang will of the people, respetuhin natin,” aniya.