Advertisers
POSIBLENG imbestigahan din ang iba pang empleyado ng Smartmatic na sinasabing sangkot sa umano’y paglabag sa security breach, ang software provider ng bansa sa May 2022 elections.
Ayon kay Senador Imee Marcos, chairman ng Senate Committee on Electoral Reforms, kanilang aalamin kung may kasabwat ang empleyado ng Smartmatic na nasa kustodiya ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI).
“Ito ‘yung mga tinitignan natin kasi kung may isang empleyado, baka meron pang iba. It’s very important na malaman natin kung sino-sino. Baka planted lahat ‘yan eh. Malay natin kung sino gumawa niyan,” pahayag ni Marcos sa isang panayam.
Bunsod nito, hiniling niya sa Smartmatic na maging maingat sa kanilang mga empleyado kasabay ng pagtatanong ng senador kung bakit nila pinapayagan maging ang mga contractual na magkaroon ng access sa kanilang mahahalagang impormasyon sa halalan.
“Itong hamak na contractual employee, labas pasok at ninakaw pa ‘yung mga data nila. Ito ‘yung nakakakaba dito na isang contractual employee na apparently halos hindi nila vinet, hindi nila kilala gaano, eh may access sa confidential information,” diin ni Marcos.
Una nang ibinunyag ni Marcos na posibleng na-hack ng sindikato ang mga personal information, ledgers, office photos, at contact persons da Commission on Elections (Comelec). Samantala, sinabi naman ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III na dapat mag-hire ang NBI ng mga cyber expert nito at software programmers para suriin kung may naka-post na “source code” sa Facebook.
“May mga lapses kasi sila (Comelec). May mga pagdududa talaga kasi 40 million ballots na-print behind closed doors. Bawal ‘yun. Ang SD cards, na-configure na, ibig sabihin noon na-loadan na ng software behind closed doors na wala ring nakatingin. Bawal din po ‘yun. Maraming lapses talaga ang Comelec,” paliwanag ni Pimentel. (Mylene Alfonso)