Advertisers
HINDI malayong pagbigyan ng pamahalaan ang hirit na umento sa sahod ng mga guro sa kabila ng COVID-19 pandemic.
Pahayag ito ni Acting Presidential Spokesperson at Communications Secretary Martin Andanar matapos na muling nanawagan ang Alliance of Concerned Teachers (ACT-Teachers) sa gobyerno kaugnay sa umento sa sweldo.
Matatandaang inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 2021 na dahil sa pandemya ay nabigo siyang ituloy ang kanyang planong umento sa sahod ng mga guro.
Gayunman, sinabi ng Pangulo na nakapag-ipon naman siya ng pondo upang sa wakas ay maibigay ang naturang taas-sweldo.
Batid na madalas banggitin ng Pangulo na napakahalaga sa kanya ng mga guro dahil sa kanyang namayapang inang si Soledad, na isa ring guro.
Ayon kay Andanar, tatanungin niya si Education Secretary Leonor Briones para sa updates kaugnay sa planong dagdagan ang sahod ng mga guro. (Vanz Fernandez)