Advertisers
NASA 8,900 Pilipino at Amerikanong sundalo ang lalahok sa Balikatan 2022 na maituturing na “largest-ever” joint military exercise sa kasaysayan ng Balikatan.
Sa nasabing bilang ng mga participants, 3,800 mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at 5,100 naman ay mga miyembro ng U.S. military.
Ang nasabing joint exercise ay magsisimula sa March 28, 2022 at magtatapos sa April 8, 2022.
Ang taunang ehersisyo sa pagitan ng mga tropa ng Pilipinas at Estados Unidos ay katatampukan ng sabayang pagsasanay sa maritime security, amphibious operations, live-fire training, urban operations, aviation operations, counterterrorism, at humanitarian assistance and disaster relief sa iba’t ibang bahagi ng Luzon.
Magsasagawa rin ang AFP at US military ng humanitarian and civic assistance projects kabilang ang pagkukumpuni ng apat na mababang paaralan, at pagsasagawa ng community health missions.
Ayon kay AFP Balikatan 22 Exercise Director Maj. Gen. Charlton Sean Gaerlan, ang ehersisyo ay testamento sa katatagan ng relasyong panseguridad ng Pilipinas at Estados Unidos.
Sa panig naman ni U.S. Embassy in the Philippines Chargé d’Affaires ad interim Heather Variava na ikinararangal ng Estados Unidos na maging bahagi ng ehersisyo na pagkakataon para makatrabaho ang mga Pilipino tungo sa isang bukas at malayang Indo-Pacific region.
Ang Balikatan 22 na pinakamalaking sabayang pagsasanay militar ng Pilipinas at Estados Unidos sa kasaysayan ay kasabay ng pagdiriwang ng ika-75 anibersaryo ng U.S.-Philippine security cooperation.
Ang nasabing joint military exercise sa pagitan ng Pilipinas at US ay isinagawa sa kasagsagan ng giyera ngayon sa Europa pagitan ng Ukraine at Russia.