Advertisers

Advertisers

Bishop sa mga botante: ‘PAGBEBENTA NG BOTO ‘DI TAMA’

0 256

Advertisers

PINAALALAHANANG muli ni Bishop-emeritus Teodoro Bacani Jr. ang mga botante at mga kandidato na hindi tama ang pagbebenta at pagbili ng boto.

Pinayuhan din ng obispo ang may 67 milyong botante na palaging isaisip na ang pagbebenta ng boto ay hindi paraan ng isang malayang Filipino.

Paalala pa niya, ang pagbili ng boto ng mga kandidato ay pagpapakita rin ng kahinaan at katunayan na hindi siya karapat-dapat na maging pinuno ng bayan.



Aminado naman si Bacani na isang malaking hamon sa kasalukuyan ang pagpapanagot sa mga lumalabag sa vote buying at vote selling lalo’t maaari na itong ipadaan sa mga electronic wallet.

“Oo, nag-e-evolve ang balita ko ngayon ay maari nang gumamit ng GCash, ipapadala na lang ‘yo ang pera at wala nang abutan ‘yan,” ayon pa kay Bishop Bacani, sa panayam ng church-run Radio Veritas noong Miyerkules.

Dagdag pa niya, ang vote buying o selling ay isa rin sa paraan ng mga pulitiko para mahikayat ang mga botante sa kanilang pabor.

“Alam nila na napaka-importante sa mga Filipino ng utang na loob. Alam mo naman ang mga Filipino kaunting tulong ang maibigay mo, malaki ang pagtanaw niya ng utang na loob,” aniya pa.

Hinimok din ni Bacani ang publiko na ituon ang pagsusuri sa mga kandidato base sa kanilang track record at platapormang ipatutupad.



Matatandaang dahil sa dumaraming puna ng vote buying sa campaign sorties ng mga kandidato, bumuo na ang Commission on Elections (Comelec) ng Task Force na siyang magbabantay at magpaparusa sa mga nagsasagawa ng vote buying.

Mahigpit na ipinagbabawal sa Omnibus Election Code Article XIX ang vote buying at vote selling na may parusang isa hanggang anim na taong pagkakulong, pagkadiskuwalipika ng kandidato umupo sa anumang posisyon sa pamahalaan at pagka-disqualify ng isang botante na makaboto sa halalan. (Andi Garcia)