Advertisers
BACOLOD CITY – Mistulang papel sa shooting range ang likod ng isang binatilyo makaraan barilin ito ng security guard dahil sa ninakaw na mga bakal, Miyerkules sa lungsod na ito.
Nilapatan ng lunas sa ospital ang 16-anyos na biktimang hindi pinangalan habang nadakip naman ang salarin na kinilalang si Mark Gil Capanas.
Sa report ng Bacolod-PNP, naganap ang insidente sa loob ng isang subdivision sa naturang lungsod.
Lumabas sa imbestigasyon, nakita ang biktima ni Capanas na nangunguha ng bakal sa subdivision na binabantayan nito.
Dahil dito, bigla na lamang pinagbabaril ni Capanas ang biktima na tinamaan sa likod, leeg, braso at ulo.
Humingi naman ng tulong ang mga kasama ng biktima kaya agad itong isinugod sa ospital at nadakip si Capanas ng mga rumespondeng pulis.
Narekober naman sa biktima at sako na may mga laman na bakal.
Hindi naman nagsampa na ng kaso ang magulang ng biktima at nakipag-areglo na lamang ito.