Advertisers
SINABI ng Commission on Elections (Comelec) nitong Huwebes na mayroong 845 na kandidato para sa May 9 local elections ang unopposed o walang makakalaban sa halalan.
Ang ulat ay ginawa ng Comelec kasunod na rin nang pag-arangkada ngayong Biyernes, Marso 25, ng campaign period para sa local elections sa bansa na magtatagal hanggang sa Mayo 7.
Batay sa datos na inilabas ng Comelec, nabatid na mayroong 18,023 puwesto sa pamahalaan na pupunuan sa halalan.
Sa naturang bilang, 845 ang walang kalaban ang mga kandidato, na pawang tumatakbo sa lokal na halalan.
Ayon sa poll body, mula sa 253 congressional seats, nasa 39 ang unopposed.
Mula naman sa 81 seat sa provincial governor, 9 ang unopposed habang 11 naman ang uncontested mula sa 81 seats para sa provincial vice governor.
Mula naman sa 782 seats para sa Sangguniang Panlalawigan, nasa 45 ang uncontested.
Mula naman sa 1,634 seats sa pagka-alkalde, 203 ang unopposed habang mula sa 1,634 na puwesto para sa pagka-bise alkalde, 254 ang uncontested.
Sa 13,558 seats naman para city/municipal councilors, 284 ang uncontested.
Kaugnay nito, mahigpit naman ang paalala ni Comelec Commissioner George Erwin Garcia sa mga lokal na kandidato at mga botante na tiyaking tatalima sa minimum health standards upang maiwasan ang posibleng hawahan ng COVID-19.
Paalala pa ni Garcia, bagama’t pinaluwag nila ang face to face campaign rules, mahigpit pa rin nilang ipinagbabawal ang close contacts sa mga taong dadalo sa mga rally. (Andi Garcia)