Advertisers
Tinanggal sa pwesto ang isang pulis na lasing at namaril ng lalaking estudyante na pasahero ng Transport Network Vehicle Service (TNVS) sa Quezon City noong Pebrero.
Ang mga pulis naman na nagpabaya umano sa imbestigasyon, demoted sa kanilang katungkulan.
Sa sulat na ipinadala ng People’s Law Enforcement Board sa Philippine National Police noong Marso 22, sinabing nagdesisyon ang board na sibakin sa pwesto si Police Corporal Reymark R. Rigor nang ireklamo ng 22-anyos na biktima ng pamamaril sa Scout Rallos Extension.
Lumabas sa imbestigasyon na nakainom si Rigor nang manggaling sa birthday party ng kaniyang superior.
Samantala, demoted o pinababa naman ang ranggo ng apat pang pulis dahil sa “neglect of duty,” habang abswelto ang dalawang iba pa.
Inireklamo rin ng biktima sina Police Staff Sergeant Bryan Busto at Police Corporal Jaycee Tordil nang balewalain umano ng mga pulis ang kaniyang tinamong sugat na “daplis” lamang bago sumailalim sa operasyon.
Demoted si Busto, habang napawalang sala si Tordil.