Advertisers
Tila balewala lamang sa isang Malaysian national ang dala nitong isang sachet ng shabu na inilapag lamang nito sa kaniyang table, sa loob ng pinagtatrabahuan nitong Industrial Park sa Brgy. Niog 3, lungsod ng Bacoor, Cavite, noong Sabado.
Kinilala ang suspek na si Wong Chai Sing, 32 anyos, college graduate at translator sa Shuangma Industrial Park sa Niog, Bacoor.
Sa imbestigasyon ni PSSg Bernie T. Rusiana, may hawak ng kaso, 2:00 ng hapon ng arestuhin ng Security guard na si Rufino Sangarios, 50 anyos, OIC security guard ng Shuangma Industrial Park.
Sa salaysay ni Sangarios, nang nasabing oras, ang duty nito sa 3rd floor, Room 312 Shuangma Industrial Park kung saan empleyado siya.
Napansin ni Sangarios ang suspek na may kinuha sa bulsa at inilapag lamang sa office table nito.
Naghinala ang security guard kung kaya tinungo nito ang mesa ng dayuhang empleyado at inusisa kung ano ang laman ng maliit na plastic sa mesa. Nang kanyang suriin, nadiskubre na shabu ang laman ng plastic sachet.
Agad na ipinaalam ng guwardya sa kanilang management ang pangyayari at inaresto ang suspek.