Advertisers
IKINABABAHALA ng Commission on Elections (Comelec) ang posibilidad na maaari pa ring mapabilang sa listahan ng mga botante ang ilang mga indibidwal na namatay na.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, sa pagdating ng mismong araw ng halalan ay hindi malayong marami pa rin sa ating mga kababayan ang makikita pa rin ang pangalan ng kanilang mga kamag-anak na yumao na sa listahan ng mga botante sa kadahilanang hindi aniya napapanatili ang delisting process dito.
Ito ang dahilan kung bakit pinangangambahan ngayon ng Comelec na magamit ang ganitong mga kaso laban sa pag-kwestyon sa kredibilidad ng tapat at malinis na halalan.
Paliwanag ni Jimenez, ang delisting process daw kasi ng komisyon ay batay sa mga records na isinusumite sa kanila ng local civil registrar.
Kung kaya’t sa oras aniya na hindi masabihan ng civil registry ang Comelec tungkol sa mga pumanaw na, ay hindi rin nila ito matatanggal sa listahan.
Samantala, muli namang hinikayat ng election watchdog na Legal Network for Truthful Elections (LENTE) ang election board members at ang publiko na manatiling mapagmatyag sa mismong araw ng eleksyon.