Advertisers
KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon sa nangyaring pagmasaker ng mga armadong grupo sa isang pamilya sa bayan ng Lebak, Sultan Kudarat na nagresulta sa pagkasawi ng apat na magkapamilya at pagkasugat ng isa pa.
Kinilala ni Maj. Joel Martinez, hepe ng Lebak Municipal Police Station ang mga nasawi na sina Jimmy Lapat Capiceño Sr., 59; asawang si Aida Kamaman Capiceño, 59; at dalawang apo na pawang mga menor de edad na sina Jimmy Kamaman Capiceño Jr., 12; at Esmaira Demonteverde Capiceño, na nasa siyam taong gulang pa lamang na pawang mga residente ng Center 1, Barangay Taguisa sa nabanggit na bayan.
Habang sugatan naman si Jay-ar Kamaman Capiceño, 28, na tinamaan sa hita at agad na dinala sa Sultan Kudarat District Hospital.
Samantala, ang unang naiulat na 10-anyos na batang si Jaymar Kamaman Capiceño kalauna’y na-rescue ng mga otoridad at nasa ligtas na sitwasyon na sa ngayon.
Ayon kay Martinez, nangyari ang walang habas na pamamaril sa magkapamilya sa Salunganan, Sitio Tuka, Barangay Datu Karon, Lebak, Sultan Kudarat na sakop ng 104th Base Command ng MILF Community kung saan nakilala ang mga salarin na sina Den Den Rakman Saludin, Dick Datumanong at isang pang unidentified na kasama ng mga ito na pawang kasapi ng 104th MILF Base Command.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na habang nagpapahinga sa kubo ang magkapamilya matapos manghuli ng alimango, dumating ang mga armado kaya’t inaya silang magkape ni Ginoong Jimmy Capiceño Sr.
Nagpaunlak naman umano ang mga salarin ngunit matapos na makainom ng kape, walang awang pinagbabaril ang magkapamilya gamit ang M16 armalite rifles ng mga ito.
Sa ngayon hindi pa matukoy ng mga otoridad kung ano ang motibo ng krimen.
Patuloy naman na nagsasagawa ng hot pursuit operation ang mga otoridad laban sa mga salarin.