Advertisers
WALANG kopya ng demand letter mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) si dating First Lady Imelda Marcos para bayaran ang P203 bilyong estate tax liability ng kanilang pamilya.
Ito ang inihayag ni Senador Imee Marcos kung saan nakikipag-ugnayan na aniya ngayon sa BIR ang kanilang mga abogado kaugnay sa naturang usapin.
“Ang problema kasi, yung nanay ko, wala pa raw natatanggap. Tinanong ko sa kanya, e yung mga abogado niya, wala pang natatanggap. So nakikipag-ugnayan sila sa BIR na makakuha ng kopya at makipag-meeting, matagal na naming hinihingi rin ito e, kasi pati kami nalilito e,” wika ni Marcos sa isang panayam.
Ilang beses na rin aniya silang nakikisuyo sa BIR na upuan at sumahin na ang total ng P203 bilyong estate tax ng kanilang pamilya.
“Wala kasing kopyang nakuha yung nanay ko at hinihingi nga yung buong dokumento para upuan na once and for all, kasi nakailang beses na rin kami na nakikisuyo sa kanila na upuan na natin at sumahin ang total,” punto pa ni Marcos.
Nauna rito, sinabi ng Department of Finance at BIR na noong Disyembre 2021, isang written demand letter ang ipinadala sa pamilya Marcos upang bayaran ang kakulangan nito sa buwis. (Mylene Alfonso)