Advertisers
NAKATAKDANG ilabas ng Supreme Court (SC) ang resulta ng Bar examination sa susunod na linggo.
Sa inilabas na statement ni 2020/2021 Bar Examination bar chairperson SC Associate Justice Marvic Leonen, magsasagawa raw ang mga ito ng special en banc session para pag-usapan ang kanyang report kaugnay ng kauna-unahang digital bar examination.
Ayon kay Leonen, posibleng ilabas ito sa April 12.
Matatandaang noong hindi pa digitalized ang bar examination sa mga naka-raang taon ay inaabot ng lima hanggang anim na buwan bago ilabas ang resulta ng eksaminasyon.
Ang bar examination noong hindi pa nagkaroon ng pandemic ay isinasagawa sa apat na linggo ng buwan ng Nobyembre at Abril o Mayo na ng susunod na taon inilalabas ang resulta.
Samantala, pinaplantsa na rin ng SC ang oath taking ng mga bagitong abogado.
Ayon sa SC isasagawa ang panunumpa ng mga bagong abogado sa Mayo 2 ngayong taon.
Magugunitang ilang beses ding ipinagpaliban ang bar exam dahil na rin sa pagsipa noon ng kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa iba’t ibang rehiyon sa bansa. (Josephine Patricio)