Advertisers
KINILALA at pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go ang “Pamana ni Duterte” sa pagbibigay ng mas komportableng buhay para sa lahat ng mga Pilipino sa pamamagitan ng iba’t ibang mga proyektong pang-imprastraktura.
Si Go ay kasama ni Pangulong Rodrigo Duterte na dumalo sa inagurasyon ng Binondo-Intramuros Bridge sa Maynila noong Martes, Abril 5.
“Malaking tulong ang pagbubukas ng Binondo-Intramuros Bridge dahil bukod sa pag-decongest sa trapiko ay makadadagdag din ito sa pagpapasigla ng ekonomiya sa Lungsod ng Maynila,” ayon kay Go.
“Layunin din ng mga proyektong ito na magbigay ng mas komportableng buhay para sa mga Pilipino. Parte po ang mga malalaking proyektong ito sa pamana ng ating Pangulong Rodrigo Duterte,” idinagdag ng senador.
Ang inagurasyon ng tulay ay pinangunahan ni Duterte, na itinuring ang proyekto bilang isa sa mga makabuluhang tagumpay ng Build, Build, Build Program.
Dumalo rin sa okasyon si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na binanggit na ang tulay ay kayang daanan ng 30,000 sasakyan kada araw, na magpapadali sa paglalakbay at makatutulong sa ekonomiya.
Ang four-lane steel arch bridge ay magdudugtong sa Intramuros at Binondo at nagtatampok ng bike lane at sidewalk para sa mga pedestrian. Ang proyekto ay bahagi ng Build, Build, Build Program at pinondohan ng China Road and Bridge Corporation.
Ang tulay ay ang ika-16 government-to-government project na itinayo sa pamamagitan ng collaborative efforts ng Pilipinas at China mula noong 2016, ayon kay Duterte. Ito ay nakatakda sanang buksan noong Disyembre noong nakaraang taon ngunit ipinagpaliban dahil sa epekto ng pandemya.
“Mahalagang maipagpatuloy ang mga proyektong ito dahil magpapagaan ito sa buhay ng mga kababayan nating Pilipino at makatutulong din sa ating pandemic recovery efforts,” ani Go.
Samantala, naunang nangako si Go na patuloy niyang susuportahan ang mga proyektong pang-imprastraktura na pakikinabangan ng iba’t ibang rehiyon upang maisulong ang mas pantay na pamamahagi ng mga oportunidad sa ekonomiya sa buong bansa.
“Bilang inyong Senador, asahan niyo po lagi kong isusulong ang mga proyekto, panukala at adhikain na makatutulong sa bawat Pilipino,” sabi ni Go.