Advertisers
ISUSULONG pa rin ng mga transport group ang hirit na itaas sa P14 ang minimum na pasahe sa jeep sa Metro Manila, Central Luzon, at Southern Tagalog.
Ayon kay Pasang Masda President Obet Martin, naka-schedule na sa Mayo ang pagdinig tungkol dito.
“Naka-schedule kami ng hearing ng May at ‘yan ay aming tatalakayin pa rin,” pahayag ni Martin.
Ang minimum na pasahe sa jeepney sa kasalukuyan ay nasa P9 at karagdagang P1.50 para sa mga susunod na kilometro.
Nauna nang isinantabi ng mga transport group ang petisyon makaraang mangako ang gobyerno na dodoblehin ang fuel subsidy at palalawakin ang service contracting program.
Sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na makatatanggap na ngayon ang mga jeepney driver ng P13,000 na fuel subsidy mula P6,500.
Ani Martin, nauunawaan nila ang pagsuspinde sa pamamahagi ng subsidiya dahil sa election spending ban subalit may mga lungsod na kailangang magtaas ng pamasahe dahil sa pabago-bagong presyo ng petrolyo.