Advertisers

Advertisers

Bong Go: Pagpapabakuna, moral na obligasyon ng publiko

0 267

Advertisers

Binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go na dapat mabatid ng publiko na moral na obligasyon ng bawat isa na panatilihing ligtas ang kani-kanilang komunidad at ang buong bansa sa pamamagitan ng pagpapabakuna laban sa COVID-19.

Nanindigan din ang senador, tagapangulo ng Senate Committee on Health na bagama’t mainam na gawing mandatoryo ang pagbabakuna, ang gobyerno sa lahat ng antas ay dapat na sikaping kumbinsihin ang mga hindi pa nabakunahan na makakuha ng kanilang COVID-19 jabs sa lalong madaling panahon.

Kasunod ng pahayag ni Health Secretary Francisco Duque III sa Talk to the People Address ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Abril 5 na magiging malugod na hakbang kung “magagawa ng Kongreso ang political will na gawing mandatory ang pagbabakuna at booster, iginiit ni Go na ang karapatan ng mga tao na magpasya para sa kanilang sarili sa bagay na ito ay dapat na igalang.



Gayunpaman, sinabi ni Go na habang iginagalang ang karapatan ng taongbayan na magpasya para sa kanilang sarili sa usaping ito, kailangang maipaunawa sa kanila na moral na obligasyon ng bawat isa na panatilihing ligtas ang kani-kanilang komunidad.

“Hindi man natin mapilit ang lahat na magpabakuna, dapat may sapat na kaalaman at insentibo ang mga tao para hindi na sila mag-alinlangan pa dahil bakuna talaga ang tanging susi o solusyon para malampasan ang pandemya,” idiniin ng mambabatas.

“Dapat nating gawing accessible ang pagbabakuna hangga’t maaari para sa lahat dahil mayroon tayong sapat na suplay na hindi dapat masayang,” dagdag niya.

Ayon sa Department of Health, 1.54 percent ng kabuuang bilang ng COVID-19 vaccines na naihatid sa bansa ang nasayang. Humigit-kumulang 27 milyong dosis ang mag-e-expire din ngayong Hulyo.

Kaya naman sinabi ni Go na kinakailangang maibigay na ng gobyerno sa mga tao ang bakuna.



“Kung kailangang suyurin ang bawat bahay sa mga pinakaliblib na lugar sa bansa ay gawin natin. Huwag na nating pahirapan ang ating mga kababayan, lalo na ang mga matatanda at mga nakatira sa malalayong lugar.”

Sa kaparehong taped briefing kasama ang Pangulo, iniulat ng National Task Force Against COVID-19 na noong Abril 5, 66.3 milyong Pilipino ang ganap na nabakunahan habang 64.7 milyon ang nakatanggap ng kanilang unang dosis. Gayunpaman, 12.26 milyong Pilipino lamang ang nakakuha ng kanilang booster shot, nangangahulugang 16.92% lamang ng target na populasyon.

Nabanggit ng NTF na ang mga pangunahing hamon sa programa ng pagbabakuna sa bansa ay kinabibilangan ng kamakailang mababang turn-out sa National Vaccination Days, pagbaba ng output ng pang-araw-araw na pagbabakuna at mababang saklaw ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao area kung saan 25% lamang ng mga residente nito ang ganap na nabakunahan.

Kaugnay nito, muling iginiit ni Go ang kanyang apela sa mga karapat-dapat ngunit hindi pa nabakunahan na mga Pilipino na makuha ang kanilang kumpletong dosis ng bakuna at booster shot.

“Para naman sa hindi pa bakunado, huwag n’yo pong sayangin ang oportunidad na maproteksyunan kayo laban sa sakit. Nasa datos naman na maiiwasan ang malubhang epekto o kamatayan na dulot ng COVID-19 kung ikaw ay bakunado. Ito ang tanging paraan para mabuhay tayo nang ligtas kahit may banta pa ng COVID-19,” ayon kay Go.