Advertisers
QUEZON – Nahaharap ngayon sa patung-patong na kaso ang tatlong magkakapatid na miyembro ng gun-for-hire group nang mahulihan ng mga baril at iligal na droga sa magkakahiwalay na operasyon sa Tiaong nitong Sabado.
Nasa ilalim ng kostudiya ng Quezon Provincial Police Office ang mga suspek na nakilalang sina Teodoro Aquino Satumba, 34, taga-Brgy. Del Rosario Tiaong; Abelardo Aquino Satumba, 47; at Lorenzo Aquino Satumba, 43, kapwa taga-Sitio Ibaba, Brgy. Cabay, Tiaong, Quezon.
Inaresto ang magkakapatid sa Brgy. Del Rosario at Brgy. Cabay sa naturang bayan, nitong Sabado.
Sa teorya ng pulisya, nag-o-operate ang mga ito sa at Quezon, Batangas at Cavite.
Bukod dito, sangkot din umano ang tatlo sa paglaganap ng iligal na droga sa bayan ng Tiaong at sa mga karatig-lugar.
Nakumpiska sa mga ito ang isang Cal. 38 revolver, apat na bala, isang Carbine rifle, isang Cal. 30, dalawang magazine ng Carbine, dalawang Cal. 45, limang bala, isang stabilizer, isang granada, 2 plastic sachet ng shabu at drug paraphernalias.
Inihahanda na ng pulisya ang kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Illegal Possession of Firearms and Ammunition).