Advertisers
NAGPAALALA ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga local government units (LGUs) na magpatupad ng dagdag na mga measures para striktong nasusunod ang minimum public health standards lalo na sa mga public gatherings na posibleng maging super spreader events lalo na ngayong ginugunita ang Semana Santa mula April 11 hanggang April 17, 2022.
Ito’y sa kabila ng mababang Covid-19 alert level sa bansa.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, dahil sa weeklong holiday break, inaasahan niya sa mga LGUs na maging more creative at proactive sa mga ipatutupad nilang stratehiya para matiyak na striktong sinusunod ng publiko ang minimum public health standard.
Paliwanag ng Kalihim, ayaw nitong mangyari na sumirit na naman ang bilang ng Covid-19 cases matapos ang Semana Santa dahil sa pagiging maluwag sa parte ng mga LGUs.
Dapat nakahanda din ang mga LGUs sa pagtugon sa health and security concerns lalo ngayon at buhos ang mga tao sa pag-uwi sa mga probinsiya.
Nais ng kalihim na mahigpit pa rin ang pagsuot ng face mask, lalo na sa mga public at enclosed places; paghugas ng kamay at physical distancing.
Sinabi ng Kalihim dalawang taon kasi na hindi nakapagdaos nang maayos na Semana Santa sa bansa kaya asahan ang malaking bilang ng mga manananampalataya na lalabas ng kanilang mga tahanan.
Dahil dito, mahalaga na matiyak na ligtas at mapayapa ang paggunita sa Semana Santa.
Hinimok din ng kalihim ang mga local chief executives na imobilize ang presensiya ng mga kapulisan, traffic enforcers, barangay tanods, Barangay Peacekeeping Action Teams, public safety officers at iba pang force multipliers para palakasin pa ang visibility sa mga kalye.
Pinatitiyak din ni Sec. Año sa PNP ang seguridad sa mga airport, pantalan transportation terminals, pilgrimages, simbahan, palengke, pampublikong lugar at iba pang travel destinations.
Binigyang-diin din ng kalihim sa mga LCEs na tiyakin ang kalinisan at orderliness sa kani-kanilang mga areas of responsibility (AOR).
Pinamo-mobilized din ng Kalihim sa mga LGUs ang kanilang resources gaya ng maayos na pangongolekta ng mga basura at magsagawa ng clean-up operations sa lahat ng mga pampublikong lugar.