Advertisers

Advertisers

Bong Go sa LGUs: Magtayo ng evac centers

0 153

Advertisers

MULING iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go ang pangangailangang magtayo ng mga ligtas at maayos na evacuation center sa bawat munisipalidad, lungsod at lalawigan sa buong Pilipinas.

Pinuri niya ang pamahalaang panlalawigan ng Capiz sa pagsisimula ng pagtatayo ng Multipurpose Evacuation and Convention Center nito sa Pueblo de Panay kasabay ng pananawagan sa iba pang local government units na magsimula ng mga proyektong makatutulong din sa kanilang mga nasasakupan sa oras ng kalamidad.

Kasunod ng kanilang aerial inspection sa mga lugar na tinamaan ng Tropical Storm “Agaton” sa Pontevedra, Capiz, pinangunahan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Go ang groundbreaking ceremony ng nasabing center noong Black Saturday, April 16.



Pagkatapos ay pinangunahan nila ang distribution activity sa Pontevedra Elementary School para sa mga biktima ng Agaton.

“Tuloy-tuloy lang ang aming pagseserbisyo kahit Semana Santa lalo na sa mga nasasalanta ng bagyo. Hindi po kami titigil ni Pangulong Duterte sa pagbibigay ng tulong sa ating mga kababayan. Wala pong pahinga ang aming pagseserbisyo sa bayan,” paniniyak ni Go.

Ang proyekto na tinulungan ni Go na pondohan bilang vice chair ng Senate committee on finance, ay isang inisyatiba ng pamahalaang panlalawigan, katuwang ang Department of Public Works and Highways, upang mas maprotektahan ang mga Capizeño mula sa mga darating na sakuna.

Ang unang yugto ng proyekto ay nagkakahalagang P237.376 milyon.

“Hindi po natin alam kung kailan darating ang sakuna sa bansa kaya naman po mas mainam na lagi tayong handa para maging ligtas ang ating mga mamamayan,” sabi Go.



“Ako po ay tiwala na kapag ito ay natapos na, marami itong matutulungan na kababayan natin diyan, hindi lamang sa Roxas kundi sa iba pang bayan diyan sa probinsya ng Capiz,” dagdag ng senador.

Si Go ay naninindigan sa kanyang pangako na itutulak ang mas maraming disaster-resilient na komunidad sa bansa.

Patuloy siyang nanawagan para sa pagpapasa ng mga hakbang na magbibigay ng mas tumutugon at unified whole-of-government approach sa mga sitwasyon ng krisis.

Noong 2019, inihain niya ang Senate Bill No. 1228 o ang Mandatory Evacuation Center Act upang matiyak na ang mga biktima ng kalamidad ay magkakaroon ng mga pansamantalang tirahan na magtitiyak sa kanilang kaligtasan at mapangalagaan ang kanilang kapakanan hanggang sila ay makabangon.

“Kapag dumating ang malakas na bagyo o kung minsan sakuna, sa mahihirap po talaga malakas ang epekto nito. Kada taon, iba’t ibang krisis ang palabas ng Pilipinas kaya mabilis naman ang aksyon ng gobyerno para mapaghandaan at maprotektahan ang buhay at kapakanan ng mga Pilipino,” idiniin ni Go.

“Kaya napaka importante na tayo ay makapagpatayo ng mga safe, permanent, and dedicated evacuation centers na may sapat na emergency packs, tulad ng kumot, tubig, gamot, at iba pang relief goods,” paliwanag niya.

Patuloy ding isinusulong ni Go ang pagbuo ng Department of Disaster Resilience. Inihain din ni Go noong 2019, ang SBN 205 ay naglalayong magtatag ng isang nakatutok na departamento na magtitiyak ng isang maagap na diskarte sa mga natural na kalamidad.

“Bago pa dumating ang bagyo, mayroon na hong makikipag-coordinate sa LGUs, preposition of goods at ilikas po ang mga kababayan natin sa ligtas na lugar. At pag-alis ng bagyo, restoration of normalcy kaagad, maibalik kaagad sa normal ang pamumuhay ng mga kababayan natin. ‘Yan po ang layunin ng Department of Disaster Resilience,” anang senador.

Nauna rito, nagsagawa rin ng aerial inspection sina Pangulong Duterte at Go sa mga lugar na tinamaan ng Agaton sa Baybay City at bayan ng Abuyog sa Leyte noong Biyernes Santo, Abril 15.