Advertisers
HABANG papalapit ang eleksiyon sa Mayo, pinansin ni Aksyon Demokratiko standard bearer Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang painit nang painit na away politika ng pangkat ni dating Sen. Bongbong Marcos at ng pangkat ni Vice President Leni Robredo.
Binanggit ito ni Yorme Isko sa maraming interbyu sa kanya sa Mindanao, Visayas at sa maraming lugar sa Luzon at Metro Manila area na dahilan kaya nalilito ang taumbayan sa tunay na isyu at krisis na hinaharap ng bansa.
Bakit aniya, tuwing eleksiyon sa pagka-pangulo, nahahati ang isyu sa away ng grupong Pula at Dilaw.
“Laging usapan lang ng Pula at Dilaw, yung magkaaway na pamilya o grupo. Painit nang painit, … Personalan na. Bilihan dito, bilihan dun. Sungkitan dito, sungkitan dun. Talagang personalan na, ” sabi ni Yorme Isko.
Ang Pula ay tumutukoy kay Marcos Jr. at ang Dilaw na ginawang Pink, ay kay Robredo na suportado ng kakampi ng pamilya Aquino at ng Liberal Party.
Paniniwala ng 47-anyos na alkalde ng Maynila, sinoman ang manalo, hindi tatahimik ang Pilipinas.
“Kasi magbabawian, maghihigantihan, pakulong dito, pakulong doon. Para bang sila tumatakbo, gusto lang nilang talunin yoong kabilang political clan,” diin ni Isko.
Bunga ng mahigit sa 35 taon na away at higantihan ng dalawang angkan ng politiko, kailangan ang isang pangulong hindi namamantsahan ng maruming laro ng politika.
“Kaya nga ako tumakbo, para matigil na yang away pulitika. Sa ating mga kababayan, kung gusto niyo ng peace of mind, available po ako…. Eto lang ako, I’m offering myself as an alternative,” sabi ni Yorme Isko.
Kumpiyansa siya, sabi pa ng alkalde, buo ang tiwala sa sarili na maibibigay niya sa bayan ang mahusay, epektibo, maasahan at malinis na gobyerno na ang tanging naisin ay maglingkod sa mamamayang Pilipino.(BP)