Advertisers
SA kanyang pagharap sa general assembly ng Inisang Samahang Aasahan (ISA) sa District 1 ng Quezon City, inihayag ng may-bahay ni Vice Mayor Gian Sotto na si JoyMary, ang kanyang kalungkutan sa mga paninirang ginagawa ng kalaban ng kanyang mister sa pagka-bise alkalde na si Winnie Castelo.
Pumalit si Mrs. Sotto sa kanyang asawa na may nauna nang importanteng lakad nitong nakaraang linggo, sa pagharap sa mga opisyales at mga kasapi ng ISA, pinaka-malaking people’s organization sa Distrito Uno na kinabibilangan ng pitumpung (70) iba’t ibang samahan.
Dito inilahad ni JoyMary, ina ng limang anak ni Vice Mayor Sotto, ang kanyang sama ng loob at labis na kalungkutan sa “i-style” ng pamumulitika ni Castelo. Sinasabi kasi nito na walang nagawa ang Bise-Alkalde magmula ng maluluklok ito sa kanyang pwesto.
“Nakakalungkot, at nakasasama ng loob kapag nakakapakinig ako na sinisiraan ang aking asawa. Kesyo wala raw siyang nagawa. Sa totoo lang, si Vice Gian ninyo po ang unang lumabas at nagpunta sa inyo upang kayo ay hatiran ng mga ayudang pangtawid sa pandemic. Nilagay niya ang kanyang sarili sa panganib at maging kaming pamilya niya. Hindi ito talaga napapabalita dahil tahimik ang aking asawa kapag nagbigay tulong,” paliwanag niya.
Pinawi naman agad ng pangulo ng samahan na si Jaime Espina ang kalungkutan ni Mrs. Sotto at sinabing hindi naman sila padadala sa mga banat ni Castelo, dahil kilala nila si Vice Mayor Sotto bilang tunay na “public servant”na may takot sa Diyos.
“Hindi basta-basta nila (kalaban sa pulitika ni Sotto) kami mapapaniwala, ang aming masisiguro sa inyo, ay ang aming solid na pagsuporta at pagboto sa tambalang Mayor Joy Belmonte at Vice Mayor Gian Sotto,” ang pahayag ni Espina kay Mrs. Sotto.
Dagdag pa niya, ang labis labing-isang libong miyembro ng kanilang pinag-isang samahan ay pawang mga botante rin ng Distrito Uno at tinitiyak nilang sila Belmonte at Sotto lamang ang kanilang ibobotong muli sa pagka-Mayor at Vice Mayor.
Naibsan naman, ang kalungkutan ng maluha-luhang ginang ng Bise-Alkalde at nangako itong makakarating ang inihayag na suporta ng ISA sa kanyang mister at kay Mayor Belmonte.
Ipinakiusap na rin ni JoyMary ang kanyang biyenang lalaki na si Senate President at Vice Presidential aspirant na si Senador Tito Sotto na iboto na rin ng ISA sa pagka-bise presidente.
“Si ‘Tito Sen’ po ang huwaran ng aking asawa sa paglilingkod. Pareho silang may kakayahan at may mahabang karanasan sa paglilingkod na may pinangangalagaang integridad,” ang pahabol ni Gng. Sotto.