40 piraso ng 500 Saudi Riyal isinauli sa may-ari
Advertisers
NAGPAKITA ng katapatan sa serbisyo ang isang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) personnel sa Laguindingan airport nang isauli nito ang 40 piraso ng 500 Saudi Riyal na nagkakahalaga ng may 280,000 Philippine pesos, na kanyang natagpuan sa comfort room ng Passenger Terminal Building Arrival Area.
Ayon kay CAAP spokesman Eric Apolonio, si Merraflor Simbre, isang facility cleaner sa CAAP – Laguindingan Airport, ay nagpakita ng kahanga-hangang katapatan at integridad sa pagsasauli ng nasabing halaga kay Evangeline Maghanoy, isang domestic helper mula Riyadh, Saudi Arabia, na dumating lulan ng Philippine Airlines OWWA flight noong April 17.
Walang inaasahang kapalit si Simbre at pinapurihan ng CAAP ‘for having showcased CAAP’s core values of integrity and honesty in the course of their service to the public.’
Ani Apolonio, ang insidente ay iniulat ni CAAP Laguindingan Airport Manager Engr. Job De Jesus sa Office of the Director General sa CAAP Pasay Central Office.
Ang Laguindingan International Airport (IATA Code: CGY) ay nagsisilbi sa Cagayan de Oro, Iligan at Marawi, gayundin sa Misamis Oriental, Lanao del Norte at Bukidnon. (JERRY S. TAN)