Advertisers

Advertisers

Bong Go: Pag-upgrade sa local hospitals isinabatas ni PRRD

0 180

Advertisers

PINURI ni Senate committee on health and demography chair, Senator Christopher “Bong” Go si Pangulong Rodrigo Duterte sa paglagda bilang batas sa apat na local hospital bills na naglalayong mapabuti ang paghahatid ng mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Kabilang dito ang pagtatatag ng mga ospital o upgrade sa mga umiiral na sa Tayabas City, Quezon; Calbayog City, Samar; Cabanatuan City, Nueva Ecija at Candon City, Ilocos Sur.

“Ang pangangailangang ihanda at i-upgrade ang ating mga institusyong pangkalusugan ng gobyerno ay binibigyang-diin habang kinakaharap natin ang pandemya ng COVID-19. Responsibilidad din natin bilang mga mambabatas na itulak ang mga hakbang upang matugunan ang kakulangan ng sapat na pasilidad at kagamitan sa ating mga ospital ng gobyerno, partikular sa mga kritikal na panahong ito,” sabi ni Go.



“Pinupuri ko ang Pangulo para sa kanyang agarang aksyon at patuloy na suporta sa ating hangarin na mapabuti ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa bansa,” dagdag niya.

Kabilang sa mga bagong nilagdaang batas ay ang Republic Act No. 11702 na nagtatatag sa Southern Luzon Medical Center sa Tayabas City; RA 11703 na nagtatatag sa Samar Island Medical Center sa Calbayog City; RA 11705 na nagtatatag sa Ilocos Sur Medical Center sa Candon City; at RA 11704 na nagpapataas sa kapasidad ng kama sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center sa Cabanatuan City. Ang DPJGRMMC ay tahanan din ng Malasakit Center.

Ang Department of Health ang mamamahala sa kanilang mga operasyon.

Ayon kay Go na nag-sponsor ng nasabing mga panukala sa Senado, ang mga bagong batas na nilagdaan ng Pangulo ay makatutulong sa pagtugon sa mga isyu sa paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa publiko at makatutulong din sa pagpapatupad ng Universal Health Care Act, alinsunod sa layunin ng administrasyong Duterte na magbigay ng kalidad serbisyong pangangalagang pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino, nasaan man sila sa bansa.

“Sa panahon ngayon, sinisigurado namin na pagandahin pa ang healthcare services sa bansa. Lalo na ngayong pandemya, dapat malaman na mas maigi pa ang ating pagtuklas sa mga ganitong panukala upang maibalik natin sa mga Pilipino ang serbisyong nararapat para sa kanila,” ani Go.



Sa pamumuno ni Go, nauna nang itinaguyod at pinadali ng Senate committee on health ang pagpasa ng 24 batas sa pag-upgrade sa umiiral na bagong pampublikong ospital sa buong bansa.

May 11 pang panukala sa pag-upgrade ng mga ospital na pinapatakbo ng DOH ay naghihintay na lamang ng lagda ng Pangulo.

Si Go, pangunahing tagapagtaguyod ng pagpapabuti ng sistema ng pangangalagang pangkalusugan at mga serbisyo sa bansa, ay nagsusulong din ng ilan pang panukala tungkol sa kalusugan ng publiko.

Kabilang dito ang Senate Bill No. 2158 na nagtatatag ng Philippine Center for Disease Control and Prevention (CDC). Ang CDC ay magsisilbing nangungunang ahensya para sa pagbuo ng mga hakbangin sa pagkontrol at pag-iwas sa nakahahawang sakit. Pangunahing responsable ito sa pagkontrol sa agkalat ng mga nakahahawang sakit sa Pilipinas.

Inihain din ng Senador ang Senate Bill No. 2155 na nagtatag ng Virology Science and Technology Institute of the Philippines (VIP). Ang institusyon ay magsisilbing pangunahing laboratoryo ng bansa para sa pananaliksik sa virology, mga pagsisiyasat sa laboratoryo, at teknikal na koordinasyon ng nationwide network ng mga laboratoryo ng virology.