Advertisers

Advertisers

Bong Go: Panawagan ni PRRD, malinis at payapang halalan

0 161

Advertisers

MULING idiniin ni Senator Christopher “Bong” Go ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa patas at mapayapang pambansa at lokal na halalan sa susunod na buwan upang matiyak na ang mga resulta ay sumasalamin sa tunay na kalooban ng mamamayang Pilipino.

Sa kanyang Talk to the People Address noong Lunes, Abril 19, nangako si Duterte na itataguyod ang batas at hindi hahayaang makagambala ang terorismo o anumang iligal na aktibidad sa botohan sa Mayo 9.

Iginiit ng Pangulo na hindi siya mag-eendorso ng sinumang presidential contender para mapanatili ang kanyang pagiging parehas.



“Dapat may kapayapaan, dapat may batas at kaayusan. Ang pangako namin sa lahat, sa inyo, is that the reason why I refuse to choose a particular candidate to support was simply para makita ng tao na neutral ako […] But aside from that, over and above all of these things is the fact na tayo ay inatasan ng Konstitusyon na tiyakin na maayos ang halalan,” ani Duterte.

“We will not face or allow ‘yung disorder or intimidation, or violence. We will remain neutral and we’ll see to it na ang tunay na kalooban ng mga tao ay lalabas sa eleksyon na ‘to,” anang pa ng Pangulo.

Tiniyak din ni Duterte na maaaring maghain sa Commission on Elections ng mga kahilingan para sa karagdagang seguridad tulad ng police at military protection para ipatupad ang kasagraduhan ng botohan.

Sa isa namang panayam matapos niyang bisitahin ang mga nasunugan sa Malinta, Valenzuela City, inulit ni Go ang mga pahayag ng Pangulo at tiniyak na sisiguruhin ng gobyerno ang mapayapa at patas na halalan sa Mayo.

“Kaya nga po sinabi ni Pangulong Duterte sa kanyang mga pahayag… Sabi nga niya na kaya po siya naging neutral dahil mas lalong matututukan n’ya na ipatupad iyong peaceful and orderly election na walang bahid ng bias, o pagkakampi sa isang kampo,” ani Go.



“So, si Pangulong Duterte ay nakatutok dito at ipinangako niya — hindi man niya totally 100% (ma-guarantee) na maging peaceful —dahil alam mo naman ang election dito sa ating bansa talagang napakarumi,” dagdag ng senador.

Nang tanungin kung may planong i-destabilize ang nalalapit na halalan, sinabi ni Go na bagama’t may mga tsismis ay wala pang kumpirmasyon.

“May mga naririnig siguro pero still to be verified. Bine-verify naman po itong lahat ng ating mga tungkulin – ng militar at intelligence community,” ani Go.

Hinimok ni Go ang mga opisyal na panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa panahon ng halalan sa pamamagitan ng pagseryoso sa mga pagbabanta at idiniin na ang kinabukasan ng bansa ay nakataya.

“As a legislator, and hindi naman po ako kandidato, I’m calling sa ating mga awtoridad na siguraduhing monitored n’yo po — kung mayroon mang confirmed o seriousness ‘yung threat na ‘yan ay huwag pong isantabi o isabahala dahil nakataya po dito ang kinabukasan… ‘pag pumili tayo ng ating mga lider, nakataya ‘yung kinabukasan ng ating bayan sa susunod na anim na taon,” sabi ni Go.