Advertisers
Patay ang tatlong pasahero habang sugatan ang 17 iba pa nang bumangga ang sinasakyan nilang pampasaherong jeepney sa poste ng kuryente sa Tanay, Rizal Lunes ng umaga.
Sa ulat ng Tanay Police, pawang dead-on-the-spot ang mga biktima na sina Maximo Legaspi, Manuel Peralta at isang alyas “Butor”.
Ang mga sugatan na sina Jocelyn Calinawan, Mario Legaspi, Jake Real, John Deniel Real, Ligaya Barcante, Francis Charles De Jesus, Trici Ann Prestado, Bea Flores Makahilos, Arnold Flores, Jamil Prestado, Ayesha Prestado, Felisicima Buendia, Rodolfo Cunanan, Joseph Prestado, Emilus Quico Prestado, Zean Benidict Cruz at Ynna Conarco ay isinugod naman sa Tanay General Hospital upang malapatan ng kaukulang lunas.
Batay sa ulat ng Tanay Municipal Police, 9:00 ng umaga nang maganap ang aksidente sa pakurbadang kalsada sa Daraitan Road, sa Sitio Alas-asin, Brgy. Daraitan, sa Tanay.
Nauna rito, sakay ang mga biktima ng passenger jeepney na may plakang TWU 901 at minamaneho ni Noe Butor pero pagsapit nila sa pakurbadang bahagi ng naturang kalsada ay tila nagkamali ng kalkulasyon ang nasabing driver at aksidenteng mabangga ang poste ng kuryente.
Sa tindi ng impact, nagsitalsikan ang mga pasahero kung saan napuruhan ang tatlo na kanilang agarang ikinasawi.