Pantay na oportunidad sa libreng medical care – Isko
Advertisers
“EQUAL opportunities to all Filipinos when it comes to free medical care.”
Ito, ayon kay Aksyon Demokratiko Presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno ang inaasahan niyang matamo ng kanyang panguluhan at ito ay sa pamamagitan din ng pagtatayo ng isang ospital sa 17 rehiyon sa bansa gayundin sa lahat ng 81 probinsya sa Pilipinas.
Bawat isang ospital ay itutulad sa New Ospital ng Maynila na mayroong mga state-of-the art facilities na katulad ng makikita sa mga pribadong ospital.
“Makukuha na ni Juan dela Cruz dun sa kanila ang equal opportunity. Di na kailangang mag-byahe ng napakalayo papunta sa Metro Manila,” sabi ni Moreno.
Ang pandemya, ayon kay Moreno ang nagmulat sa lahat na kailangan na magtayo ng maraming ospital bilang paghahanda sa naranasan surge na halos pumilay sa health frontline system ng bansa.
“Nagulantang tayo at dito natin nadiskubre ang kakulangan so kung papalarin tayo, may awa ang Diyos, magagawan natin ng paraan for the next generation na bawat region plus 81 provinces, maari na nilang makuha ang mga serbisyo-medikal na gaya ng nakukuha sa Maynila,” ayon pa kay Moreno.
Balak ding magtayo ni Moreno ng mga ospital na gagamot sa mga pasyenteng may sakit sa puso at cancer upang hindi na kailangan pang lumuwas ng Metro Manila ng mga nasa lalawigan katulad ng nangyayari sa kasalukuyan.
“Ang gusto ko, ‘yung di na nila kailangang mag-biyahe nang malayo pa. ‘Yung pasyente siyempre me kasamang pamilya, gagastos ng pasamahe, magdo-dorm habang ginagamot ang cancer ng anak mo. So, pag me ospital na malapit sa kanila, dun na sila pupunta,” pahayag ng alkalde.
Sinabi ni Moreno na lahat ng ito ay magagawa dahil ginawa na niya ito sa Maynila kung saan mayroong anim na city-owned hospitals na nagkakaloob ng libreng serbisyo sa anim na distrito ng Maynila.
Ang pinakahuling karagdagan sa listahang ito ay ang Manila COVID-19 Field Hospital na tumatanggap ng COVID patients hindi lamang mula sa Maynila kundi mula sa national government entities tulad na lamang ng Bureau of Quarantine at Tondo Medical Center. (ANDI GARCIA)