Advertisers
Ala-una kahapon ng tanghali, nag-dulot ng isang stampede ang isang pulitikal na operasyon ng kampo ni Rose Lin kung saan pinapalitan ang mga inisyu nilang ID sa mga tao noon ng 500 pesos kada ID. Nangyari ang nasabing kaguluhan sa Capasco Warehouse sa P. Dela Cruz St., Brgy San Bartolome, Novaliches, QC.
Ayon sa mga naroroon, nagpatawag daw ang mga leader ni Rose Lin ng payout na 500 pesos kapalit ng naturang ID. Agaran naman dumagsa ang mga tao mula pa sa ibang lugar kaya lumobo at hindi na nacontrol ang pila hanggang umabot ito sa dalawang libong katao. Hakot ang nangyaring sistema kung saan maski taga ibang barangay ay dumagsa sa nasabing lugar at pumila sa ilalim ng mainit na araw. Kitang-kita ng publiko ang nangyayaring talamak na vote-buying. Marami ring litrato at video ang mga nakuha at nagkalat sa Facebook at chat groups.
Kwento ni Lola Emmie, 74 anyos, matapos makuha ang 500 pesos at palabas na siya ng gate ng warehouse, nag-anunsyo ng cut-off ang mga coordinator at sinabing 1,500 na katao lang ang mabibigyan. Doon na nag-umpisa ang tulakan at siksikan kung saan marami ang nasaktan. “Tinulak po ako at muntik nang tapak-tapakan, kaya nabalian ako ng buto sa braso! Pinulot lang ako ng tricycle driver at nagmagandang loob na ihatid ako sa pagamutan!”
Si Nanay Marilyn naman, isa ring senior citizen, ay hinimatay habang nasa pilang siksikan at nanakawan pa ng cellphone. Anya, ginawa silang parang hayop sa nasabing lugar kaya nagkagulo.
Nagdulot ng mga sugat at pasa ang nasabing “payout” operation ni Rose Lin. Ito na ang pangalawang pagkakataon kung saan may napinsala sa kampanya ni Rose Lin. Kamakailan lamang ay may namatay na matanda na inatake sa puso dahil pinapila ito sa kasagsagan ng araw.
Ang mga naturang operasyon ay tinawag na Vote Buying ng NGO na Kowalisyong Novaleno Kontra Korapsyon at pormal na silang nagsampa ng 290 cases ng Vote Buying sa Comelec.
“Kahit saang sulok kayo ng Novaliches magtanong. Talamak na talamak ang pamimili nila ng boto. Tahasang pang-iinsulto at pang-aalipusta ito sa kahirapan ng mga tao,” ayon sa grupo.
Tinawag naman ng kampo ni Rose Lin na fake news ang mga naglabasang balita at ibinintang sa mga kalaban sa pulitika ang mga paninira!
Ito naman ay mariing itinanggi ng Chief of Staff ni Congressman Vargas na si Rhodora Salazar na tinawag na kwentong kutsero ang mga paratang ng Kampo ni Rose Lin. “Bakit nila ipapasa sa iba ang mga nangyayaring eto na sa mga HQ nila mismo nagaganap lahat?!Ang totoo, pinagsasamantalahan nila ang kahirapan ng Novalenyo at ang hirap na dulot ng pandemya para sa sarili nilang pulitika! First time nangyari sa kasaysayan ng QC na ganito katindi at katalamak na vote-buying! Ayan may naaksidente nanaman!” Siguro dapat nalang nilang sagutin ang mga kasong isinampa sa kanila ang iba’t ibang malayang mamamayan ng Quezon City dagdag ni Salazar.
Pinangako naman ng Comelec na aaksyunan nito ang mga nasampang reklamo sa madaling panahon at bago pa man matapos ang eleksyon.