Advertisers
Patay ang isang lalaki nang pagtatagain ng kanyang trabahador nang patayan nito ang electric fan habang natutulog, Linggo sa Cebu city.
Kinilala ang biktimang si Nomiriano Lastimosa Jr., alyas Boss Jing, 54, at residente sa Barangay Dumlog, Talisay City.
Kusa naman sumuko sa pulisya ang salarin at kasambahay na kinilalang si Geeiven Urbano, 37, alyas Iben, 37, at taga Barangay Talamban, Cebu.
Sa report ng Talisay Police Station, 11:00 ng umaga naganap ang krimen sa may kubo na pag-aari ng biktima sa nabanggit na lugar.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, natutulog ang salarin sa may kubo ng biglang dumating ang kanyang amo (biktima) at pinatayan siya ng electric fan.
Dahil sa sobrang init ng panahon, nagising si Urbano at naalimpungatan ito ng makita ang biktima agad siyang kumuha ng itak saka pinagtataga sa tiyan at iba pang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran kamatayan Lastimoso Jr.
Ayon kay Police Lt. Col. Randy Caballes, hepe ng Talisay Police Station, may galit ang biktima kay Urbano dahil ang mga alagang nitong isda tulad ng koi, namatay dahil sa nawalan ng oxygen.
Nabatid, na ang trabaho ni Urbano taga alaga ng mga baboy at mga isda ng biktima.
Sa himpilan ng pulisya, sinabi ni Urbano na pinag-iinitan siya palagi ng kanyang amo at hindi rin binigyan ng suweldo dahil pinababayaran sa kanya ng P12,000.00 ang 200 isda na namatay.
Depensa naman ni Urbano sa kanyang amo kaya namatay ang mga isda sanhi ng matinding init ng panahon.
Nahaharap ngayon sa kasong murder si Urbano.