Advertisers
DAAN-DAANG libong mga taga-suporta ni Vice President Leni Robredo ang dumalo sa kanyang mga people’s rally sa Laguna, Cavite, at Batangas nitong mga nakaraang araw – patunay na napakalakas ng kanyang kampanya pagka-Pangulo ilang araw bago ang May 9 national elections.
Ang lahat ng mga tao – kasama ang mga naglalakihang artista –ay nanindigan na hindi sila bayad para dumalo sa mga rally. Sa katunayan, ang kanilang mga kongresista at iba pang local leaders ay nanguna din sa pag-endorso kay Robredo bilang susunod na Pangulo ng bansa.
Ayon mismo sa Commission on Elections (Comelec), ang Region 4-A Calabarzon – Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon – ay ang rehiyon na may pinakamaraming nakarehistrong botante. Sa datos ng Comelec, mayroon 9,193,096 na botante sa Calabarzon.
Si Congresswoman Sol Aragones ng ikatlong distrito ng Laguna, inanunsyo ang kanyang suporta para kay Robredo nuong grand rally sa Sta. Rosa nuong April 29.
Higit sa 225,000 katao ang dumalo sa “Tanglaw Laguna Rally”, isa sa mga pinakamalaking people’s rally ni Robredo.
Parehong mga bagong kongresista sina Robredo at Aragones noon kaya sila ay naging magkaibigan.
Pangako ni Aragones na ngayong tumatakbo bilang Pangulo si Robredo, hindi niya ito pababayaan.
“Malalim na ang ating pagkakaibigan. At sa pinakamahirap na punto ng ating buhay at ng ating laban, gusto kong malaman mo, gusto ko pong malaman ninyo, nandito ang iyong kaibigan, hindi kita pababayaan…. Ang aking dasal sa bawat gabi, sana sabay nating matawid ang laban na ito,” pahayag ni Aragones na tumatakbong gubernador ng Laguna.
Si Congressman Dan Fernandez ng unang distrito ng Laguna ay umakyat din ng entablado para iendorso si Robredo sa harap ng daan-daan niyang mga kababayan.
Bukod pa kina Aragones at Fernandez, dumalo din sa people’s rally sina dating Laguna governor Joey Lina, dating San Pedro Mayor Calix Cataquiz, kumakandidato pagka-San Pablo City mayor na si Amante, at dating former Rizal Mayor Rolen Urriquia.
Sa Cavite kung saan higit sa 100,000 katao ang pumuno ng New City of Dasmariñas Football Field nuong Linggo, kasama ni Robredo sa entablado sina Cavite 3rd District Congressman Alex Advincula, Cavite 4th District Congressman Pidi Barzaga, Jr., at ang kanyang misis na si Dasmariñas City Mayor Jenny Austria-Barzaga.
“Tayong Caviteño, laging nagmamalaki. Sinasabi natin na ating lalawigan ay lalawigan ng mga matatapang, sapagkat ang Cavite ay isa sa walong lalawigan na naghimagsik noong panahon ng Kastila… pinapaalala na ang kasarinlan o kalayaan ay pinanganak sa ating lalawigan,” ani Barzaga sa “Banyuhay’ Caviteño, Ipanalo Na10 ‘to!” grand people’s rally.
Mga barako naman sa Batangas ang nag-endorso kay Robredo kung saan higit sa 280,000 ang dumalo sa “Barako para kay Leni-Kiko” grand people’s rally na ginanap sa Bauan, Batangas nuong April 30.
Dito ay inendorso ni Batangas 2nd District Congressman Raneo “Ranie” Abu si Robredo.
Sa kanyang pagpapakilala kay Robredo sa entablado, pinaalala ni Abu sa kanyang mga kababayang Batangueño na may kasabihan sila na “maubos na ang yaman, ‘wag lang ang yabang.”
“Batangueño, ito ang gabi na ang bawat isa sa atin ang magsisindi ng ningas, ningas na magbibigay ng liwanag hindi lang sa Batangas, kung hindi sa buong Pilipinas,” pahayag ni Abu.