Advertisers
NAKATANGGAP ng death threat ang magkapatid na Alfred at PM Vargas ng District 5, Quezon City kahapon ng tanghali. Dalawang pirasong bala ng M-16 rifle ang ipinadala sa kanilang opisina sa Novaliches District Center.
Sa salaysay ni PM Vargas na ngayon ay tumatakbo sa pagka-kongresista sa nasabing distrito, “Makikitang dineliver ang pakete ng rider eksakto 1:25PM kahapon. Ito ay isang kahon na naka-address sa akin. Dalawang pirasong bala ng M16 ang laman. Maliwanag na ang intensyon ng nagpadala ay para takutin kami at ang aming pamilya.”
Ayon naman sa Kuya nitong si Cong. Alfred Vargas, “Ngayon ay nahaharap kami sa ganitong klaseng death threat na tinaon pa sa dulo ng kampanya. Nananawagan kami sa aming mga ka-distrito, mga kaibigan, at supporters na samahan niyo kaming maging vigilant sa lahat ng uri ng kasamaan, pananakot at pandaraya na ginagawa ng ating mga kalaban ngayong eleksyon.”
Inilahad pa ng incumbent congressman na apat na beses na silang hinikayat na umatras sa laban kung saan daan-daang milyong piso ang naging alok sa kanilang magkapatid. “Ni minsan, hindi namin naisip na ikumpromiso ang aming dangal at prinsipyo,” aniya.
Kakasilang pa lang ng unang anak ni PM Vargas nitong Abril kaya naging emosyonal ang pulitiko para sa seguridad at kapakanan ng pamilya. “Hindi po natin hahayaang dumanak ang karahasan. Lalo na’t buhay ng ating pamilya ang nakataya sa usaping ito,” ayon sa kanyang pahayag.
Nanawagan naman si Alfred Vargas sa kanilang mga ka-distrito na protektahan ang kanyang bunsong kapatid at bantayan ang boto ng bawat Novalenyo.
“Hahayaan ba nating sirain ng mga dayo ang distrito nang ganun-ganun na lang? Walang puwang sa District 5 ang mga nagsisiga-sigaang sindikato para makuha lang ang kanilang gusto. Habang papalapit na ang araw ng eleksyon, samahan niyo po kaming protektahan ang ating boto. Tumayo po tayo sa likod ni PM. Let us all stand together to protect PM and District 5,” tugon ni Vargas.