Advertisers
ARAWANG suweldo ng uring manggagawa na makakabuhay ng pamilya, hindi barya-barya lang.
Ito ang target ni independent presidentiable Panfilo Lacson na ipatupad nang agaran kung siya ang pipiliin ng mga botante para maging lider ng bansa sa susunod na anim na taon.
Sa pag-aaral ng presidentiable, tinukoy niya ang dapat na pinakamababang arawan na umento na kailangang ipagkaloob sa mga mangagawa upang makahabol sa patuloy na pagtaas ng iba’t ibang bilihin at serbisyo na bunga ng iba’t ibang kadahilanan.
Hindi aniya mahirap na sagutin ang panawagan ng mga manggagawa ng pagtataas sa suweldo dahil base sa kanilang pag-aaral, dapat ay itaas ito sa P652 mula sa kasalukuyang P537 minimum wage.
Ngunit hindi pa rin umaaksyon dito ang Department of Labor and Employment (DOLE).
“Dapat siguro huwag nang hintayin na magprotesta pa ‘yung mga laborer. I think it is incumbent upon the government, national government, to be proactive.” Ito ang namutawi mula kay presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson kasabay ng paggunita sa Araw ng Paggawa.
Nakahanda na aniya ang kanyang plano para itaas ang suweldo ng mga manggagawa sa buong bansa upang mabuhay nang maayos ang kanilang mga pamilya sa harap ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Dagdag ni Lacson, hindi makatarungan na barya-barya o tila makikipagtawaran pa ang mga labor group para maibigay ang umento na kanilang kailangan. Aniya, dapat ay magkusang-loob na ang mga kinauukulan para mai-adjust ang suweldo ng mga manggagawa base sa inflation o pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sinabi pa ni Lacson na kung wala pa rin umanong aksyon ang DOLE, hihimukin din nila ang Malacañang na repasuhin ang minimum wage, hindi lamang sa Metro Manila ngunit maging sa iba’t ibang rehiyon na apektado ng mahal na bilihin dulot na rin ng pagsirit sa presyo ng gasolina.
“Sa mga sortie din namin, isa sa mga daing (ng mga tao), naiwanan na sila o naiwanan na ‘yung suweldo nila ng taas ng bilihin,” ani Lacson sa mga mamamahayag na kanilang nakausap kasama ng kanyang running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III.
“If you liken the Philippines to a heart, sa isang puso, there are many valves. One of the more important valves is the labor group, is labor. Hindi mabubuhay ‘yung puso kung hindi maayos ang takbo ng labor,” sabi ni Sotto.
Iniugnay ni Sotto ang kanyang pahayag sa naging ambag ng kanyang ina na si Herminia Castelo Sotto sa sektor ng manggagawa sa Pilipinas at pagpapabuti ng kanilang kalagayan.
“Just to make sure that you know where I’m coming from, my mother was the first Philippine medical commissioner of the workmen’s compensation commission of the Department of Labor in 1965. So, talagang pro-labor ako, bata pa,” paliwanag ni Sotto.