Advertisers
HINIMOK ni Senator Christopher “Bong” Go ang ehekutibo na masusing pag-aralan ang nakatakdang pagtataas ng Philippine Health Insurance (PhilHealth) premium contribution ng mga miyembro nito lalo’t nasa gitna pa ng pandemya ang bansa.
Umapela rin si Go sa PhilHealth na tugunan ang mga alalahanin ng mga miyembro nito hinggil sa pagtataas ng kanilang kontribusyon na isa’t kalahating taon din nabinbin dahil sa kautusan ni Pangulong Duterte.
“Umaapela ako na maingat na balansehin dapat ng pamunuan ng PhilHealth ang mga hinaing hinggil sa pagtaas ng kanilang singil sa mga miyembro,” ani Go.
“Timbangin nang maayos kung paano mapapagaan ang hirap na kinakaharap pa ng mga Pilipino dahil sa pandemya at ang pangangailangang magkaroon ng sapat na pondo para sa dagdag na mga serbisyo o pinabuting mga programa sa ilalim ng mas maayos na pagpapatupad ng Universal Health Care (UHC) Act,” dagdag niya.
Bilang pinuno ng Senate committee on health, sinabi ni Go na habang tinitiyak ang wastong pagpapatupad ng UHC Law at walang harang na mga serbisyo ng PhilHealth, kailangang gumawa ng mga hakbang upang maprotektahan ang interes ng mga Pilipino, partikular ang mga mahihirap.
“Bilang chair ng Senate committee on health, ayaw kong pahirapan ang mga tao, lalo na ang mga mahihirap na Pilipino. Gawin natin kung ano ang makatutulong sa kanila. Protektahan natin ang mga walang malalapitan, maliban lang sa gobyerno,” anang senador.
Sinabi ni Go na masusing pag-aralan ng ehekutibo ang usapin sa pamamagitan ng pagbalanse ng tamang pagpapatupad ng batas sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa na nasa gitna ng patuloy na pandemya.
“Habang nasa pandemya pa tayo, sana ay huwag na muna nating dagdagan ang mga problemang pinapasan ng mga pangkaraniwan nating mamamayan na sinisikap na makabangon mula sa krisis,” giit ng senador.
Sinabi ni PhilHealth Senior Manager Rex Paul Recoter sa media na obligado silang kolektahin ang mas mataas na premium rate na 4% ngayong taon, ayon sa itinatadhana ng UHC Law.
Sa ilalim ng UHC Law na nilagdaan noong 2019, ang PhilHealth premium rates ay nakatakdang unti-unting tumaas simula sa 2.75% noong 2019 hanggang 5% noong 2024 at 2025.
Pumayag ang PhilHealth na i-delay ang premium hike mula 3% hanggang 3.5% sa 2020 sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.