Advertisers
PINAATRAS na ng Asosasyon ng mga Kontra-Daya at Korapsyon, isang non-government anti-corruption watchdog sa Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela (CAMANAVA) si Malabon mayoralty candidate Councilor Jose Lorenzo “Enzo” A. Oreta dahil sa dami ng kinasa-sangkutang kaso.
Giit ng grupo wala nang karapatan ang konsehal na tumakbo pa sa mas mataas na posisyon at sa halip ay dapat itong idiskuwalipika at panagutin sa mga kinakaharap na kaso.
Kabilang sa mga usaping nakasampa laban kay Enzo at mga kapamilya nito ang mga kaso ng pandarambong, pagnanakaw, nepotismo at iba pang kasong kriminal, sibil at administratibo sa Office of the Ombudsman.
Matatandaang isang residente ng Malabon ang nagsampa ng mga kasong plunder na non-bailable offense (pagkakakulong habang nililitis ang kaso) at may parusang disqualification, graft at technical malversation sa Office of the Ombudsman laban kay Enzo pati na kina Malabon Mayor Oreta, Melissa Grace Oreta, Sofronia Lim, Engr. Manuel Chua Co Kiong, Anthony Rodriguez, Dr. Raymundo Arcega, Harvey Keh, Jonathan Co, Maria Pilar Herbolario, Dr. Lucila Bondoc, Michael Lavado, at Marlon Travero, na mga miyembro ng Lupon ng Rehente ng CMU, at Bernard C. Dela Cruz, Paulo D. Oreta, John Anthony P. Garcia, Maria Anna Liza G. Yambao, Danilo V. Dumalaog, Prospero Alfonso R. Manalac, Ejercito V. Aquino and Jasper Kevin D. Cruz, na mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Malabon dahil umano sa iligal na paggamit ng P69 milyong pondo ng United Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST).
“This is not just about elections nor stealing people’s money. This is a call to change the norm of curtailing the law or taking advantage of it in order to gain for profit. This is about seizing the control from a few powerful politicians who abuse their authority and giving it back to the general public who contribute to defray the expenses of the government,” pahayag pa ng asosasyon.
Bukod dito, naghain din si Rogelio R. Santos, residente ng Malabon laban kay Enzo at sa kapatid nitong si Mayor Antolin “Len-Len” A. Oreta, ng mga kasong administratibo, sibil, at kriminal dahil sa Nepotism at ibang Graft and Corrupt Practices at paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Batay sa reklamo, si Enzo ay itinalaga ni Mayor Oreta bilang empleyado ng lungsod ng Malabon na isang uri ng nepotismo at lumalabag sa Administrative Code of 1987. Ang nepotismo ay labag din sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act na kung saan ay bawal ang magkamag-anak na manungkulan. Labag din sa Republic Act No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees ang pagbibigay ng pabor sa mga kamag-anak.
Nagsampa naman ang taga-Malabon na si Emily S. Cano ng kaso laban kay Enzo sa paglabag sa Section 261 ng Omnibus Election Code of 1985 o Batas Pambansa Blg. 881 at iba pang kaugnay na batas. Si Enzo Oreta at ang kanyang mga kapartido sa Team Pamilyang Malabonian na sina Diosdado “Dado” Cunanan and Prospero Alfonso “Peng” Manalac ay nakitang nangangampanya sa Health Caravan na ginanap noong April 22, 2022 sa Potrero Super Health Center, Malabon kung saan namahagi ang mga ito ng mga kulay rosas na eco-bag na may pangalang “Enzo Oreta” at may slogan na “Kaasenso.”
Nakita rin ang mga health worker sa caravan na humaharap sa publikong nakasuot ng unipormeng may pangalang “Enzo Oreta” at may slogan na “Kaasenso” at ang reseta na ibinigay ay may pangalang “Enzo Oreta” at may slogan na “Kaasenso” gayong nakasaad sa Section 261 ng Omnibus Election Code na ipinagbabawal ang pagsali ng mga pampublikong opisyal at mga empleyado sa anumang pangangampanya para sa eleksyon, at ang paggamit ng pampublikong pondo, kagamitan at pasilidad na pag-aari at kontrolado ng gobyerno para sa pangangampanya sa eleksyon.