Advertisers
PINASALAMATAN ni dating Philippine National Police (PNP) Chief at senatorial candidate Guillermo Eleazar nitong Huwebes ang Iglesia Ni Cristo (INC) sa kanilang pag-endorso sa kanyang kandidatura, at nagpahayag na malaking tulong ito kaakibat ng pagbuhos ng suporta mula sa mga volunteers sa buong bansa upang ipanalo siya sa gaganaping halalan sa Lunes.
Ayon sa multi-awarded career law enforcement officer, “ang pinakahuling mga survey ay nakapagpapalakas ng loob natin dahil ipinapakita nito na ako ay nasa top twelve, at ang pag-endorso ng INC at ang paglakas ng suporta mula sa mga kaalyado, kaibigan, at mga tagasuporta sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay talagang nakatulong sa amin sa kasagsagan ng kampanyang ito.”
Ang pinakahuling mga survey ay nagpapakitang si Eleazar ay makakakuha ng sampung porsyentong puntos na isinagawa noong kalagitnaan ng Abril.
“Maganda momentum ng kampanya natin, at napakasipag ng ating mga volunteers, kaya sa tingin ko we will be able to make up ground by election day,” ayon sa 2021 Civil Service Commission Presidential Lingkod Bayan Awardee.
“Pag pinagsama mo ito at ang suporta ng ating mga kapatid sa INC, malaking tu-long ito sa kampanya natin para magkaroon ng SIGA––sipag at galing––sa senado.”
Ipinunto ni Eleazar na kahit hindi inendorso ng INC ang kanyang kandidato sa pagkapangulo, iginagalang niya ang kanilang desisyon dahil prerogative ng kapatiran at ng mga miyembro nito na suportahan ang mga kandidatong gusto nila.
“Lahat ng grupo, organisasyon, at institusyon ay may karapatang suportahan ang sinumang pinaniniwalaan nilang pinakamahusay na kandidato para sa mga elective offices sa bansa. Dapat tanggapin ng mga kandidato at tagasuporta ang mga endorsement na ito kapag nabigyan sila, at igalang kung hindi man,” saad ng taal na taga-Quezon.
“Ganun tayo sa isang demokrasya. May freedom tayo to choose our leaders, to campaign for who we believe in. Pero sana iwasan natin ang pakikipag-away natin dahil sa pulitika. We should just be civil and agree to disagree.”
Si Eleazar, na recipient ng Cavalier Award ng Philippine Military Academy – ang pinakamataas na parangal na ipinagkaloob sa mga natatanging alumni, ay tumatakbo sa platapormang magtutulak sa four Ks: kapayapaan, kalusugan, kabuhayan, at kabataan.