Advertisers
NAGULANTANG ang mga kabataan sa Barangay 329, Lope de Vega, nang wala manlang koordinasyon sa kahit kaninong opisyal ng naturang barangay na hahakutin ng pamunuan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at Department of Public Service (DPS) ang kanilang basketball court.
Napag-alaman na noong Mayo 14, 2022 (Biyernes), nagtungo sa lugar ang pamunuan ng MTPB at DPS para kausapin ang mga ‘involve’ sa pa-liga ng barangay.
Ayon sa ilang tauhan ng nasabing liga, naging maayos ang kanilang usapan at hinikayat silang magtungo sa Cityhall ng araw ng Lunes (May 17) upang kausapin hinggil sa nakuhang impormasyon ng Pamahalaang Lungsod na ginagawang sugalan ang naturang basketball court.
Subalit Mayo 15 (Sabado) ay agaran nalang giniba ang Lope De Vega basketball court, na walang nagawa maging ang mga opisyal ng barangay sa naging aksyon ng pamahalaang Moreno.
Nalulungkot ang may 2,000 kabataang manlalaro na may 108 teams na lumahok sa liga at pawang BBM supporters at lubhang naapektuhan ng pagwasak ng nasabing court at maging ang kanilang mga magulang.
Sinabi ng mga manlalaro rito na wala naman silang ibang hangad kundi ang magkaroon ng paglilibangan upang makaiwas sa mga iligal na droga o anumang masamang bisyo o sugal.
Anila, simula pa 2007 nagsimula nang magkaroon ng liga sa kanilang lugar at walang ganitong uri ng karahasang nangyari rito.
At dahil narin sa inilunsad na basketball program sa naturang barangay naging ‘drug clear’ ang lugar.
Kinokondena ng mga manlalaro ng Lope De Vega ang ganitong uri ng aksyon ng kasalukuyang administrasyon, na tahasang walang pagmamahal sa mga kabataang Manilenyo.
Sinabi pa ng mga kabataan na naging masakit para sa kanila ang pagkakagiba sa kanilang basketball court lalo na ngayong nasa Alert level 1 na ang Maynila makalipas ang halos 2 taon nilang pagkakakulong sa loob ng bahay dahil sa pandemya.
“Pinolitika kami ni Isko nang matalo sila sa aming barangay,” sigaw ng mga manlalaro ng Lope De Vega.