Advertisers
NAKAHANDA na ang Bureau of Immigration (BI), sa posibleng pagdagsa ng mga dayuhang estudyanteng babalik sa Pilipinas.
Nangako si BI Commissioner Jaime Morente na pananatilihing maayos at mabilis ang pagproseso ng pagkuha ng student visas.
“Inatasan ko ang ating mga empleyado na makipag-ugnayan sa ibang stakeholders upang masigurado ang maayos at mabilis na proseso ng mga magbabalik na dayuhang estudyante,” sabi ni Morente. “Ito rin ang tulong ng Bureau sa pagbangon sa sektor ng edukasyon na naaapektuhan dahil sa pandemya,” dagdag niya.
Pinabalik ang malaking porsyento ng mga dayuhang estudyante sa kanilang mga bansa noong simula ng pandemya ng Covid-19, alinsunod sa mga pagsasara at lockdown sa ating bansa.
Ayon kay Anthony Cabrera, ang hepe ng BI para sa student visa, inaasahan ang pagbalik ng mga dayuhang estudyante bandang ikatlong bahagi ng taon, kung kailan magsisimula na ang mga paaralan. Dagdag pa niya na naganunsyo na ang iilang mga paaralan na magkakaroon ng limited face-to-face classes.
“Hinihikayat namin ang mga dayuhang estudyante na bumalik at ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral na maaaring nahinto dahil sa pandemya,” sabi ni Cabrera. Ibinahagi rin niya na nagkaroon siya ng pagpupulong ang iilang mga opisyal at grupo ng paaralan na ipinahayag ang kanilang pagiging bukas na tumanggap muli ng mga dayuhang estudyante.
Ayon sa BI, mayroong higit sa 35,000 na dayuhang estudyante na nag-aaral ng iba’t ibang kurso sa bansa bago ang pandemya, at karamihan dito ay nasa larangan ng medisina.
Nauna nang nabanggit ng Department of Tourism (DOT) na gumagawa sila ng mga hakbang upang maipakilala ang Pilipinas bilang isang destinasyon para sa mga mag-aaral, partikular na para sa mga estudyanteng nais pag-aralan ang Wikang Ingles.
Dagdag pa ni Cabrera na nakikipag-ugnayan din sila sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno na namamahala ng mga dayuhang estudyante upang masigurado na handa sila sa pagproseso ng mga aplikasyon ng mga magbabalik na estudyante. (JERRY S. TAN)