Advertisers
SUPORTADO ng Task Force Mapalad (TFM), isang federation ng agrarian reform beneficiaries ng mga magsasaka, ang plano ng Department of Agrarian Reform (DAR) na ipatupad ang mega farms project nito at ibaba ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo.
Sinabi ng TFM dapat na agad na ayusin ni DAR Secretary Bernie Cruz ang konsepto, na nangangailangan ng pagsasama-sama ng maliliit na lote ng sakahan sa mega farms para sa produksyon ng palay.
Sa isang telephone interbyu sinabi ni Lanie Factor national deputy coordinator ng Task Force Mapalad (TFM) na ang papasok na administrasyon ay dapat magkaroon ng political will para ipatupad ang programa habang ang DAR ay dapat na bilisan ang pamamahagi ng lupang sakop ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa mga magsasaka na maaaring sumali sa mega farms.
Ayon kay Factor dapat hanapin ng DAR ang magkadikit na lugar na 150,000 ektarya at agad na ipamahagi ang daan-daang libong ektarya ng lupang hindi pa rin naililipat sa mga magsasaka sa ilalim ng CARP.
“Naniniwala kami na kung magkakaroon ng political will ang gobyerno maisasakatuparan ng mega farm project ang pagpapababa ng presyo ng palay” ani pa ni Factor.
Idinagdag pa nito, na dapat tutulan ng DAR ang reclassification ng lupa dahil maraming mga sakahan ang nakuha ng mga developer ng real estate at ginawang mga subdivision, mall o memorial park.
Sinabi pa ng TFM na ang pagsasama-sama ng mga sakahan sa isang malaking plantasyon ay maaaring maging katanggap-tanggap sa mga benepisyaryo ng CARP.
Kaugnay nito sinabi naman ni DAR Secretary Bernie Cruz na kapag naipatupad ang mega farm project tiniyak nito na maaaring mapababa ang presyo ng palay dahil base sa kanilang pag-aaral hindi lamang ang P20-kada-kilo na bigas ang maaaring maabot, ngunit kikita rin ang mga magsasaka na siyang agrarian reform beneficiaries (ARBs).
“Ang Mega Farm ay isang kumpol ng magkadikit na mga sakahan na pinagsama-sama upang bumuo ng isang malaking plantasyon na may kakayahang gumawa ng malaking dami ng mga produktong sakahan upang matugunan ang pangangailangan ng mga mamimili,” sabi ni Cruz. (Boy Celario)