Advertisers
ISINIWALAT ni dating Senate President Juan Ponce Enrile ang umano’y nilulutong sabwatan o conspiracy upang pahiyain si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Enrile, may natanggap siyang information mula sa isang “credible” source, na may ilang grupo umano mula sa Amerika at sa Pilipinas ang nagpaplano upang guluhin ang papasok na bagong presidente.
Hindi naman isiniwalat ni Enrile kung sinu-sinong mga grupo ang nagbabalak daw na manggulo.
Sinabi ni Enrile, ibibigay niya ang buong detalye sa mga kaukulang opisyal sa tamang panahon.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Enrile ang mga incoming security officials ng Marcos administration na paigtingin ang kanilang intelligence gathering.
Ginawa ni Enrile ang babala, dalawang linggo bago ang inagurasyon ni Marcos sa bahagi ng National Museum sa lungsod ng Maynila.
“I have a humble unsolicited advice for the national security officials of the new regime. Instead of making soft and pacific statements seemingly intended to quiet and to gain the cooperation, trust, and confidence of the habitual trouble makers in this country, I suggest that they should sharpen their intelligence information,” ani Enrile sa kanyang FB statement. “I just picked up what I consider to be a credible information that there are groups in America and in the Philippine planning and preparing to cause serious embarrassment and trouble for our newly elected President.”
Una rito, inanunsyo na rin ng PNP ang pagpapatupad ng gun ban sa Davao City mula nitong Huwebes, Hunyo 16 hanggang Hunyo 21 kung saan sa June 19, ang inagurasyon ni Vice President-elect Sara Duterte.
Sa Metro Manila ang gun ban naman ay mula June 27 hanggang July 2.
Sinasabing nagbabalak din daw ang PNP na irekomenda na i-shutdown ang cellphone operations sa panahon ng inagurasyon.
Ipapatupad din ang “no fly zones” at “no sailing zone” sa mga lugar na malapit sa venue sa araw ng inagurasyon.
Nasa halos 4,000 mga pulis ang ilalatag sa seguridad sa oath taking ni Duterte sa darating na Linggo ng Hunyo 19, habang nasa 6,000 namang mga police ang ide-deploy sa Marcos’s inauguration sa Hunyo 30.
Aminado naman ang PNP na ang buong mundo ay tiyak daw na tututok sa naturang malaking event kaya doble pag-iibayo ang kanilang pagbabantay.
Hanggang sa ngayon wala pa namang LGU ang nagbigay ng rally permits para sa anumang grupo.