Advertisers
Pinayuhan ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program ng Department of Social Welfare and Development na matalinong gamitin ang mga tulong pangkabuhayan na kanilang natanggap upang makatulong sa pangangailangan ng kanilang mga pamilya.
Personal na pinangunahan ni Go ang relief effort para sa 1,000 natukoy na benepisyaryo sa Barangay Macangao Gymnasium sa Lupon, Davao Oriental.
Isang pangkat mula sa DSWD ang hiwalay na nagpaabot ng suporta sa kabuhayan upang matulungan ang mga mahihirap na residente na magsimula ng kanilang sariling negosyo para makabangon mula sa mga hamon na dulot ng pandemya.
“Ito ‘yung programang Sustainable Livelihood Program-Livelihood Assistance grant. Kayo ‘yung napili na bigyan ng puhunan o pambili ng ibebenta. Bibigyan kayo ng kapital, bibigyan kayo ng puhunan, para palakihin ninyo ang inyong negosyo,” sabi ni Go.
“Kapag lumaki ang ating negosyo, pakiusap lang na sana ay dalhin ninyo sa inyong mga pamilya. Tulong ito mula sa programang SLP-LAG galing sa national program ng DSWD,” dagdag niya.
Pagkatapos nito, namahagi si Go at ang kanyang team ng mga grocery pack, bitamina, kamiseta, pagkain at meryenda. Namigay din siya ng mga computer tablet, relo at sapatos sa mga piling indibidwal.
Para mahikayat ang mas maraming Pilipino na makilahok sa sports, nagbigay din ang senador ng mga bisikleta at bola para sa volleyball at basketball sa iba. Binigyang-diin niya na ang sports ay makatutulong sa mga Pilipino, lalo na sa mga kabataan, upang maiwasan ang iligal na droga at iba pang bisyo.
“Mayroon akong adbokasiya — health at sports. Ilayo natin ang kabataan sa iligal na droga. Pakiusap namin ni Presidente (Rodrigo) Duterte sa inyo, huwag ninyong sayangin ang kanyang inumpisahan na kampanya laban sa korapsyon sa gobyerno, kampanya laban sa kriminalidad at kampanya laban sa iligal na droga. Ginagawa natin itong lahat para sa kinabukasan ng ating mga anak,” pagdidiin ni Go.
Muli rin niyang inulit ang panawagan para sa lahat ng mga karapat-dapat na Pilipino na mabakunahan laban sa COVID-19, na idiniin kung gaano kahalaga ang mga bakuna sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa. Tiniyak niya sa mga nag-aalinlangan pa rin na ligtas ang mga bakunang nakuha ng gobyerno at inirekomenda ng mga eksperto sa kalusugan.
“Mayroon lang kami pakiusap ni Presidente Duterte sa inyo, habang patuloy pa ang pagbabakuna, pakiusap lang magpabakuna na kayo. Huwag kayong matakot sa bakuna. Ang bakuna ang susi o solusyon para unti-unti na tayong makabalik sa normal natin na pamumuhay, sumigla ang ating ekonomiya (at) makamtan ang herd immunity. Kung mahal ninyo ang inyong pamilya magpabakuna na kayo. Pakiusap lang, libre naman ito galing sa gobyerno,” idiniin pa ng senador.
Samantala, para matugunan ang pangangailangang pangkalusugan ng komunidad, nag-alok ng karagdagang tulong ang senador sa mga nangangailangan ng pangangalagang medikal at pinayuhan silang bumisita sa Davao Oriental Provincial Medical Center sa Mati City kung saan mayroong Malasakit Center na magagamit.
Ang Malasakit Center ay idinisenyo para sa mga mahihirap na magkaroon ng maginhawang access sa mga programa ng tulong medikal ng mga kaugnay na ahensya ng gobyerno, tulad ng DSWD, Department of Health, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office.