Advertisers
“Love triangle”, ito ang tinitingnang anggulo na ikinamatay ng dalawang katao nang tulungan nila ang kanilang kabigan nang pagbabarilin sila ng karibal nito at dalawang kasama nang abangan sa kanilang pag-uwi sa Naic, Cavite Huwebes ng gabi.
Naisugod pa sa Gen Emilio Aguinaldo Hospital ang biktimang sina Lennox Nuguid, 24; Rico Mariscotes, 23; at John Aldy Bendijo, 24 subali’t hindi na umabot ng buhay sina Nuguid at Mariscotes.
Arestado naman sa isinagawang follow up operation si Joshua Mojica y Mojica, alias “Jotjot”, 25 habang pinaghahanap ang kasamahan nito na sina John Zyrus Tafalla y Mojica alias “Laloy” at Janiel Tafalla y Mojica alias “Janiel”, 25.
Sa ulat ni PSSgt Richard Atienza ng Naic Police Station, na bago naganap ang insidente, nalaman ni alias Laloy na may namumuong relasyon sa pagitan ng kanyang common law wife na si Trisha Reyes at Bendijo at ito rin ang dahilan kung bakit sinaktan ni Laloy si Trisha.
Niyaya ni Laloy ang kasamahan na sina Janiel at Jotjot na mag-inuman at sa kalagitnaan ng kanilang inuman, pinagplanuhan na abangan si Bendijo paglabas niya sa kanyang trabaho.
Ang usapan ng tatlong salarin, narinig ni Trisha kaya ipinaalam nito kay Bendijo kaya tumawag ang huli sa kanyang mga kaibigan na sunduin siya paglabas nito sa kanyang trabaho.
Pag-uwi ni Bendijo galing sa trabaho 8:00 ng gabi nang abangan sila ng grupo ni Laloy sa Brgy. Palangue 3, Naic, Cavite at hinarang ang sinasakyan nilang motorsiklo at kinumpronta ng huli ang una hinggil sa relasyon nila ng kanyang kinakasama na nauwi na labo-labo hanggang sa nakarinig ng ilang putok ng baril at nakitang nakabulagta ang tatlong biktima habang ang mga salarin mabilis na tumakas.
Idineklarang dead on arrival sina Nuguid at Mariscotes habang naaresto naman si Jotjot sa isinagawang follow up operation ng Naic police.
Narekober sa crime scene ang apat na basyo ng bala ng kalibre 38 na baril. Love Triangle ang nakikita ng pulisya sa motibo sa pagpatay.(Irine Gascon/Koi Laura)