Advertisers
BASAG ang bungo ng isang carwash boy habang kritikal ang kinakasama nito nang paghahatawin ng martilyo ng kasamahan ng una dahil lamang sa kwintas nitong Lunes sa Iligan city.
Kinilala ang nasawi na si Jason Socorro, 27 anyos; habang agaw-buhay sa ospital ang kinakasama nitong si Ginalyn Ambalong, 25 anyos, 8 buwan buntis, at kapwa stay-in worker sa pinagtatrabahuhan carwash sa Purok San Miguel, Brgy. Tubod,Iligan City.
Nadakip naman ang salarin na kinilalang si Ramil Gabonales, hustong gulang, at stay-in carwash boy sa nasabing lugar at tubong Lala, Lanao del Norte.
Sa report ng Iligan City Police Office Station 4, 12:00 ng gabi nang maganap ang krimen sa naturang lugar.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, umuwi ang salarin na lasing at pinagbuksan ito ng biktima kaya sinita siya kung bakit hatinggabi na ito umuwi.
Dito, kinompronta ng salarin ang biktima hinggil sa kwintas at cellphone na isinanla ng huli na nauwi sa mainitang pagtatalo.
Agad na kumuha ng martilyo at pinaghahataw sa ulo si Socorro sa ulo saka sinunod naman ang live-in partner nitong si Ambalong saka tumakas.
Isinugod naman sa ospital ang mga biktima subali’t idineklara na rin patay si Socorro habang nasa maselang kalagayan naman si Ambalong at dineklara na rin patay ang sanggol sa sinapupunan nito.
Habang sinusulat ang ulat na ito, hindi pa nakukuha ang sanggol sa tiyan ni Ambalong dahil hindi pa maisagawa ang operasyon sanhi ng kritikal na kondisyon nito.
Maliban sa kasong murder inihahanda na rin ang karagdagang kaso na isasampa laban kay Gabonales na naaresto ng mga pulis sa ginawang follow-up operation.