Advertisers
IPINAGPALIBAN muna ng pamahalaan ang planong pagkakaloob ng unang COVID-19 booster dose para sa non-immunocompromised children na nagkakaedad ng 12 hanggang 17 taong gulang, bunsod na rin umano ng ilang ‘glitch’ sa Health Technology Assessment Council (HTAC).
Ipinaliwanag ni National Vaccination Operations Center (NVOC) chairperson at Health Undersecretary Dr. Myrna Cabotaje nitong Linggo na gumawa ng kondisyon ang HTAC na ang mga malulusog na adolescents na nagkaka-edad ng 12 hanggang 17, ay bibigyan lamang ng booster shot kung ang booster coverage ng mga senior citizens sa kanilang lugar ay umabot na ng 40%.
Ayon kay Cabotaje, sinusubukan pa nilang makipag-negosasyon sa HTAC hinggil sa nasabing kondisyon. Umaasa aniya sila na madedesisyunan ito sa lalong madaling panahon para maabot ang itinakdang five-month interval.
Matatandaang ang rollout ng unang COVID-19 booster dose para sa immunocompromised minors para sa nasabing said age group ay sinimulan na noong Miyerkules. Sa mga pagamutan lamang ito isinagawa dahil na rin sa safety reasons.
Base sa guidelines ng Department of Health (DOH), ang mga immunocompromised adolescents na kabilang sa 12-17 taong gulang, ay maaari nang tumanggap ng first booster, 28 araw matapos ang administrasyon ng ikalawang dose ng COVID-19.
Samantala, ang mga non-immunocompromised naman mula sa nasabing age group ay kailangan munang maghintay ng limang buwan, matapos ang kanilang second dose, bago makapagpa-booster shot.
Iniulat din ni Cabotaje na ang pagbibigay ng boosters para sa mga immunocompromised na 12-17 years old ay mabagal at mababa.
Ayon sa National Capital Region (NCR) na mismo ay nasa 45 pa lamang ang nakapagpa-booster shot.
Sa ngayon, tanging ang Pfizer booster shot pa lamang ang nabigyan ng emergency use authorization (EUA) ng Food and Drug Administration (FDA) para magamit sa mga batang 12 to 17 years old. (Andi Garcia)