Pangako kay Danny at Isko: “Promise, I will make you very proud of me” — Mayor Honey
Advertisers
“PROMISE, I will make you very proud of me.”
Ito ang ipinangako ni Manila Mayor Honey Lacuna sa kanyang ama na dating Manila Vice Mayor Danny Lacuna at Mayor Isko Moreno na hindi sila kailanman mabibigo kasabay ng pag-aalay niya ng kanyang tagumpay sa kanyang ama.
Si Lacuna, na ang buong pangalan ay Maria Sheilah Lacuna-Pangan ay binitawan ang nasabing pangako sa kanyang talumpati makaaraang manumpa bilang alkalde ng Maynila na mismong si Moreno ang nagministeryo sa loob ng makasaysayang Manila Cathedral bilang ika-23 alkalde ng Maynila. Si Marvin ‘Yul Servo’ Nieto, na runningmate ni Lacuna ay nanumpa rin sa nasabing lugar bilang vice mayor.
Buong pagpapakumbabang nagpasalamat ang kauna-unahang babaeng mayor ng kabisera ng bansa sa kanyang ama na dating Vice Mayor Danny at Moreno na ayon sa kanya ay nagsilbi bilang inspirasyon sa uri ng public service na kanilang ipinagkaloob sa lungsod at higit sa lahat sa paghulma sa kanya sa kanyang karera sa pulitika.
“Ang pangunahing nagsilbing lakas at inspirasyon ko upang magpatuloy ay ang mga papuri ng mga tao tungkol sa aking ama…Daddy, thank you very much… Dahil sa ‘yo, pinagkatiwalaan ako ng mga tao na maging konsehal ng Sampaloc.. naging vice mayor ako at higit sa lahat, dahil sa ‘yo, ako ay nagsikap na matuldukan na ang matagal nang kasibihan na ang mga Lacuna ay pang vice mayor lang.
“Kahit man lang sa isang saglit kahit isang araw maging malinaw sa iyong isip na may anak ka nang anak na mayor,” pahayag ni Lacuna sa kanyang ama na kasalukuyang naka-wheelchair.
Idinagdag pa ni Lacuna na: “Maraming salamat na kasama ko pa ang tatay ko at nasaksihan pa niya ang katuparan ng matagal na niyang pinapangarap.. daddy, higit sa lahat, ito ay para sa ‘yo. Promise, I will make you very proud of me.”
Pinasalamatan din ng alkalde ang kanyang inang si Inday na ayon sa kanya ay hindi lamang nagsilbi bilang ina kundi bilang haligi na siyang pinagkukunan ng lakas ng buong pamilya.
Partikular na nagpasalamat ang bagong luklok na alkalde kay Moreno sa laging pagtrato sa kanya bilang working partner at hindi siya itinuring bilang reserbang gulong.
“Ipinadama niya sa akin ang pagtitiwala.. itinuring na isang partner, ‘ate’, katuwang sa lahat ng ng gawaing bayan at ni minsan ay di ako nakaramdam na ako ay spare tire lamang. Hinayaan niya akong magningning sa aking pagiging isang doktora, lalo na sa pandemya,” giit ni Lacuna kasabay ng kanyang pangako na ipagpapatuloy ang mga makabuluhang programa na inilunsad nila sa Maynila.
“Mayor Isko, boss, umasa ka, hinding-hindi ko po kayo bibiguin. ‘Wag mo po akong pababayaan diyan lang kayo sa gedli,” sabi pa nito.
Samantala ay hindi rin nakalimutan ni Lacuna na pasalamatan ang kanyang asawa na si Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan at anak na si Lucia kung saan siya kumukuha ng lakas upang tuparin ang kanyang mga pangarap para sa mga taga-Maynila at sa maagang panahon ay humingi siya ng pangunawa at kahandaan para sa pagtupad niya ng kanyang tungkulin bilang punong ehekutibo ng lungsod.
Binanggit din at pinasalamatan ni Lacuna ang kanyang mga kapatid na sina Councilor Philip, Dennis, Liza at Liga ng Barangay president na si Lei dahil sa palagi itong nagririyan anumang oras niyang kailanganin. Pinasalamatan din niya ang mga volunteer groups na patuloy na tumutulong sa kanyang karera. (ANDI GARCIA)