Advertisers
POSIBLENG tumaas ng hanggang P15 ang itlog sa susunod na linggo, ayon sa Agriculture Sector Alliance of the Philippines Inc. (AGAP).
Sinabi ni AGAP Partylist Representative Nicanor Briones, ang pagtaas ng presyo ng itlog ay bunga ng pagtaas ng production cost at kaso ng bird flu sa Pilipinas.
Sa nakalipas na 14 buwan, ayon kay Briones, ay mayroon pang over supply ng itlog kaya bumaba ang presyo.
Pero dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng feeds nitong mga nakaraang buwan ay maraming layer farms ang tumigil.
Ang pagtaas ng feeds ay dahil daw sa giyera sa Russia at Ukraine. Sa Ukraine kasi kumuha ng suplay ng feeds ang Pilipinas.
Sinabi pa ni Briones, base sa kanilang rekord, mayroong over supply na 35 porsiyento nitong mga nakalipas na buwan kaya ilang farm ang naghinto ng pagpaitlog, kungsaan umabot sa P4 ang farm-gate price, pero ngayon ay nasa P6.00 na.
Sa kabilang banda, posible naring tumaas ng hanggang P4.00 ang pandesal sa susunod na buwan dahil sa tumaas na rin ang arina, bunga ng kakapusan ng suplay na nanggagaling din sa Ukraine.