Advertisers
SIMULA na ngayong araw, Hulyo 25, ang enrollment ng mga estudyante sa mga pampublikong paaralan para sa School Year 2022-2023.
Base sa guidelines na ipinalabas noong Sabado ng Department of Education (DepEd), tatakbo ang enrollment hanggang Agosto 22.
Tatlo ang itinakda ng DepEd na paraan ng enrollment: in-person, remote at dropbox.
Sa ilalim ng in-person enrollment, magtutungo ang magulang, legal guardian o mismong estudyante sa paaralan para iproseso ang enrollment.
Pero kailangan pa rin umanong masunod ang health protocols laban sa COVID-19 tulad ng pagsusuot ng face mask, pagkuha ng body temperature, paggamit ng alcohol at physical distancing.
Sa remote enrollment, pupunan ang digital forms at ipapadala sa opisyal na email address o ibang messaging platforms ng eskuwelahan.
Sa dropbox enrollment, maglalagay ang mga paaralan ng dropbox sa gate o barangay hall kung saan doon isusumite ang forms.
Ang school enrollment focal person ang tatanggap ng lahat ng dokumento at siyang magtu-turn over sa grade level coordinator.
Ang mga transferee naman mula private school ay tatanggapin pa rin ng mga pampublikong paaralan kahit may utang sa pinanggalingang paaralan pero tutulungan ang magulang para gumawa ng affidavit of undertaking.
Nagpaalala naman ang DepEd na hindi puwedeng iutos ng paaralan sa mga magulang, guardian at estudyante ang pag-transmit ng school records.