Advertisers
NADISKUBRE ng Commission on Audit (COA) na hindi pa nai-deliver ng Philippine International Trading Corporation (PITC) sa Philippine National Police (PNP) ang P602.768 million na equipment nito mula nang ilipat ang mga pondo sa procuring agency noong 2016.
Nakasaad sa 2021 audit report nito sa PNP, sinabi ng COA na mula sa P1.348 bilyon na pondong inilipat sa PITC noong 2016, “ang mga requested items na nagkakahalaga ng P602.768 milyon ay nanatiling hindi nai-deliver at ang savings mula sa mga natapos na proyekto ay hindi naibalik/naipadala sa BTr (Bureau of the Treasury) noong Disyembre 31, 2021.”
Inatasan ng PNP ang PITC, bilang isang ahensyang nagseserbisyo, upang isagawa ang pagbili nito bilang awtorisado sa ilalim ng Seksyon 53.6 ng binagong mga tuntunin at regulasyon sa pagpapatupad ng Republic Act No. 9184 o ang Government Procurement Reform Act.
Sinabi ng COA na noong 2016, inilipat ng PNP ang P1,347,616,452.90 sa PITC para sa pagbili ng iba’t ibang kagamitan.
Ngunit sa nasabing halaga, sinabi ng audit body na ang PITC ay nag-deliver at nag-liquidate lamang ng mga hiniling na item na katumbas ng P744,848,393.32 mula 2018 hanggang 2021.
Nag-iwan ito ng balanse na P602,768,059.58 noong Disyembre 31, 2021.
Kasama sa mga hindi naihatid na item ay ang combat helmet, night vision goggles, mga bagong utility truck, sniper rifles, at explosive detection dogs.