Advertisers
Napag-alaman sa imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD) nitong Martes na isang aktibong sundalo ang may-ari ng calibre .45 pistol na nakumpiska mula kay Chao Tiao Yumol, ang salarin sa pamamaril sa tatlo katao noong Linggo sa Ateneo de Manila University.
Ayon kay QCPD Director Brig. Gen. Remus Medina, nakarehistro ang naturang baril mula sa isang aktibong sundalo na nakadestino sa Mindanao. Nakita ang baril sa mga pagmamay-ari ni Yumol.
“Sa record po, lumalabas na pagmamay-ari po siya ng isang active na Philippine army, so iniimbitahan natin siya para mag-submit ng mga dokumento para naman maliwanagan tayo kung bakit napunta itong baril kay Yumol,” pahayag ni Medina.
Nasa kustodiya ng QCPD si Yumol at nahaharap sa three counts of murder, frustrated murder, at malicious mischief. Bukod dito, diniin din siya ng pulisya sa paglabag sa Anti-Carnapping Act at Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.
Target ng pamamaril ni Yumol noong Linggo ang ex-mayor ng Lamitan City, Basilan na si Rosita Furigay. Napatay niya si Furigay ngunit nadamay ang dalawa pang katao.