Advertisers
Patay ang dalawang bata habang sugatan ang kanilang lola nang pagsasaksakin ng kawatan na dating tauhan ng huli nitong Lunes sa bayan ng Cagayan.
Binawian ng buhay habang ginagamot sa ospital ang mga batang sina Mark, 6 anyos; at Maria 5; habang nilapatan ng lunas sanhi ng tinamong sugat sa katawan ang kanilang lola na si Evelyn Perez, 64 anyos, retired principal at mga residente sa Barangay Villa ng naturang bayan.
Nadakip naman ng mga tauhan ng Teresita Police Station ang salarin na si Jerry Maba Genova, tubong Calayan, Cagayan at kasalukuyang naninirahan sa nasabing lugar.
Batay sa report, 10:40 ng gabi nang maganap ang krimen sa loob ng bahay ng mag-lola.
Kwento ng lola, lumabas siya ng bahay para isarado ang pinto at bintana habang naiwan sa kwarto ang mga apo na natutulog.
Pagbalik sa loob ng bahay napansin ni Evelyn na may taong nakasuot ng bonete na kulay itim at may hawak na kutsilyo.
Nilapitan niya ang salarin para pakiusapan na lumabas subali’t pinagsasaksak na siya ng salarin at itinali ng cord ng cellphone ang mga kamay.
Sunod naman pinagsasaksak ng salarin ang dalawa bata sa iba’t ibang parte ng katawan saka nilimas ang mga alahas ng matanda.
Nagsisigaw naman si Evelyn ng tulong at narinig siya ng kanyang kapitbahay kaya agad na humingi ng tulong sa mga pulis.
Pagdating ng mga pulis sa bahay ng maglola hindi na nila naabutan ang salarin habang isinugod naman sa Gonzaga District Hospital, Gonzaga, Cagayan ang maglola subali’t ilang minuto ang makalipas, nalagutan rin ng hininga ang dalawang bata.
Sa isinagawang manhunt operation agad na nadakip ng mga awtoridad ang salarin sa isang farm na pinagtatrabahuhan nito malapit lamang sa nabanggit na lugar.
Nakuha rin sa suspek ang mga alahas na ninakaw na pag-mamay-ari ni Evelyn.
Nabatid, galit ang salarin kay Evelyn dahil pinaalis siya sa farm ng huli na kanyang pinagtatrabahuhan dahil na rin sa kasong pagnanakaw.
Sinampahan na ng kasong Robbery with Homicide in relation to RA 7610, Frustrated Murder; Direct Assault, Resistance at Disobedience of Person in Authority or Agent of Person in Authority si Genova.